Ang bilin
It's back! Midnight Stories will be posted throughout October to celebrate the month of ghosties and ghoulies and things that go bump in the night. Here's our next installment. Enjoy!

Noong Abril 2016, namatay ang isang batch naming noon high school. Nalaman ko lang dahil sa mga Marian posts sa FB. Kilala ko siya sa pangalan; familiar, pero hindi kami nagkaroon ng chance nung high school na magkuwentuhan at wala rin akong ideya kung ano ang tono ng kanyang boses.
Habang naghahanda ako ng aking susuotin sa kanyang burol kasama ang mga kaibigan noong high school, nakarinig ako ng boses na hindi ko maintindihan na alam ko na si Maya yun.
Nabanggit niya ang salitang "Baby" o "Bebs," at may sinasabi siyang pangalan na "Arthur". Kaya ang ginawa ko, tumawag ako sa kaibigan niyang si Cecille at tinanong kung may kakilala siyang ganun pangalan at kung may tawagan ba sila ni Maya sa isa’t isa.
Tama nga ang aking kutob: “Bebs” nga ang tawagan nila...at malaking lihim sa pamilya ang Arthur na nabanggit.
Kahit ako, nagulat ako sa nadinig ko. Paano ko malalaman ang matagal nang lihim? Eksakto pa ang pangalan na sinabi.
Nagdala ako ng notebook—baka sakali may idagdag pa siyang mga bilin sa akin...at bago ako umalis ng bahay, nasabi niya ang gusto niyang ipagawa sa akin.
Pinagawa niya ako ng isang letter para sa best friend niya. Nang matapos kong sulatin 'yun, alam ko na hindi ganun ang pagsulat ko. Ang lahat siguro ng binanggit niya sa sulat, marahil sila lang ang nakakaalam noon. Nagbilin din siya na kausapin ko ang kapatid niya at humingi ng patawad sa mga nagawa niya at nasabi niya nung siya’y may sakit pa. Pinakausap niya ako sa Mommy niya at binanggit ang sama ng loob noong nabubuhay pa siya at humihingi siya ng tawad.
Sinabi niya na may dalawang bracelet siya na iniwan para sa dalawa niyang anak.
Nang dumating ako sa burol, hindi ko alam kung ipapakita ko lang ba ang sinulat ko sa notebook o kung kailangan bang makipag-usap ako nang maayos na para bang magdidikta ako ng mga gustong sabihin ni Maya. Gusto kong makita ang reaction ng best friend niyang si Cecille, dahil kahit ako hindi ko maintindihan kung paanong nangyari na nakasulat ako ng isang letter para sa kanya.
Iyak ng iyak siya, dahil may isang binanggit sa letter na pawing sila lang ang nakakaalam...at 'yun ang time na nabuntis siya ng isang lalaki at hindi alam ng pamilya niya...at ang pangalan ng lalaki ay si Arthur.
Hindi man ako close sa pamilya, pero parang binigyan ako ng pagkakataon na maging parte nila. Kinausap ko ang Mommy at ang kapatid, at kinagulat nila nang aking banggitin ang kapatawaran at pagpapasalamat sa pag-alaga nila sa kanya. Nang banggitin ko naman sa mga anak ang dalawang bracelets na iniwan, wala naman daw ganun na gamit na iniwan ang kanilang Mommy. Siguro nagkamali ako sa aspeto na ito.
Bihira ako pumupunta sa libing. Nakukuha ko kasi ang mga nararamdaman ng mga namatayan, at pagkatapos nito, magkakasakit nang matagal. Pero sa pagkakataon na ito, parang kailangan akong dumalo at magpakita sa pamilya, mga kaibigan at sa mga anak niya.
Pagdating sa sementeryo, may nakita akong isang lalaki na umiiyak sa gilid ng hukay, malayo ang pagitan sa mga umiyak niyang mga anak. Tinanong ko si Cecille kung sino yung lalaki. Ang sabi niya, ang asawa ni Maya. Pinipigilan ko ang sarili ko na lapitan siya pero parang may puwersa na tumutulak sa akin na kausapin siya. Kaya pagkatapos ng libing, niyaya ko si Jun, ang asawa ni Maya, na mag-usap. Sa aking isip, ano yung itatanong ko sa tao na ito, ni hindi ko nga alam kung ano ba ang katayuan ng relasyon niya. Hindi ko maintindihan, pero nagsalita na lang ako nang tuloy-tuloy. Tinanong ko siya kung bakit siya umalis at parang walang pakialam. Ang pag-uusap ay parang naging mag-asawa, ang pagtukoy ng problema parang si Maya ako na nagsasalita.
Narinig ko na lang si Jun na nagpapaliwanag kung bakit niya ginawa 'yun. Naiyak na lang ako kasi parang nakuha ko yung kasagutan na noon pa inaantay na marinig. Gusto ko siyang yakapin at mag-iiyak na ngayon naiintidihan ko na...masyadong emotional ang pagkakataon na yun na alam ko: silang mag-asawa ang nag-usap, ginamit lang ako ni Maya. Pagkatapos, parang gumaan ang pakiramdam ko. Ang misyon ko para kay Maya nagawa ko na.
Lumipas ang isang buwan, tumawag sa akin si Cecille. Sinabi niya na nakita na ng dalawang anak yung mga bracelet para sa kanila: isang silver at isang gold na may naka engraved (parang may mukha ni Maya sa isang bracelet). Nakatago ito sa maleta niya at dahil siguro nagkasakit na siya nang malubha, hindi na niya naalala pang ibigay ito.
Hindi na bago sa akin ang kumuha ng mensahe sa namayapa, pero masasabi ko na ito ang pinakagrabeng karanasan ko sa pakikipag-usap sa kaluluwa. Siguro nga, isang misyon ang makinig sa isang bilin. — BM, GMA News