ADVERTISEMENT
Filtered By: Lifestyle
Lifestyle

Julio Nakpil @ 150: Bayaning kompositor at Mataas na Pangulo ng Katipunan


Kasama itong mga estudyante ng National Teachers College sa paggunita sa ika-150 na kaarawan ni Julio Nakpil noong Mayo 22, 2017 sa kanya mismong tahanan: ang Bahay Nakpil-Bautista sa Quiapo, Manila. Photo: Danny Pata
 

Para sa ilan, ang pangalang Julio Nakpil ay nagpapagunita ng dalawang bagay—(1) ang siyang kumupkop at nagpakasal sa “Lakanbini” ng Katipunan at Balo ni Andres Bonifacio, Gregoria “Oriang” de Jesus, at (2) ang kompositor ng Katipunan. Ngunit, sa mas nakararami, tila mapapasigaw sila nang “Who’s that Pokemón???”

Isa siya sa ating mga nalimot na bayani.

Sa pagdiriwang ng kanyang ika-150 taong kaarawan ngayong araw—22 Mayo 2017, nararapat lamang na muling makilala ng bayan si Julio Nakpil hindi lamang bilang isang matapat na kasapi ng Katipunan kundi bilang isa sa mga matataas na pinuno nito—isang Mataas na Pangulo, sa ilalim ng Haring Bayang Katagalugan ng Kataas-taasang Pangulo Andres Bonifacio.

I. Tunay na Anak ng Quiapo, Kompositor ng Katipunan

Ang mga batayang kaalaman ukol sa buhay ni Julio Nakpil ay sinaliksik na noong 1964 ng unang babae doktorado sa kasaysayan sa Pilipinas, ang historyador na si Encarnacion Alzona, sa aklat na Julio Nakpil and the Philippine Revolution. Dito natatala na si Julio ay isinilang sa Quiapo noong 22 Mayo 1867 kina Juan Nakpil Luna at Juana Garcia Putco, ika-apat sa 12 magkakapatid. Tanyag na alahero ang kanyang ama, ngunit ang una nitong kinahiligan ay ang pagtugtog ng plawta sa isang orkestra at pagkatha ng musika. Kung tutuusin, makikita sa mga sumunod na salinlahi ng mga Nakpil ang hilig sa iba’t ibang sining.

Masiglang bata si Julio at takaw aksidente—dalawang beses nasugatan sa ulo dahil nahulog sa trapeze, nasugatan sa baba matapos na mahulog sa paglalaro sa pader na may taas na tatlong metro, at makailan ding natagpuang walang malay matapos na mahulog sa hagdanan. Hindi siya nahilig sa eskuwela dahil sa sobrang higpit ng mga guro at hindi kaaya-aya nilang mga istilo. Dalawang taon lamang siyang nagtagal sa pormal na edukasyon. Sa kabila nito, naging bihasa sa Wikang Espanyol dahil mahilig sa pagbabasa—lalo na ng mga nobela at mga aklat ukol sa kasaysayan, musika, at mga sinulat ni José Rizal.

Bagama’t sa una ay nagsanay si Julio ng biyolin sa ilalim ni Maestro Ramon Valdes at ng piyano naman sa kanyang pinsan na si Manuel Mata, maituturing na halos “self-taught” si Julio. Mula sa kanyang hanap-buhay na pagtotono at pag-aayos ng mga sirang piyano, nakilala ang galing niya sa pagtugtog at pagbibigay ng mga bagong interpretasyon sa mga sikat na komposisyon, halimbawa nina Johann Strauss, hanggang sa maanyayahan na siya ng mga mayayamang pamilya at maging ng Gobernador Heneral sa Malacañan upang tumugtog at aliwin ang kanilang mga bisita. Ngunit sa sobrang workaholic ni kuya, nagkaroon siya ng tuberculosis at itinigil na niya ang pagtanggap ng mga paanyaya para tumugtog. Dito siya nagpasya na ituon na lamang ang pansin sa pagtuturo ng musika.

Ang kanyang mga piyesa bilang kompositor ay tinangkilik rin at binili ng marami, ang pinakapopular dito ay ang “Recuerdos de Capiz” na limang beses na nilimbag.

Nang marinig ang pagkakatapon ni Rizal sa Dapitan noong 1892, kinatha niya ang “Amor Patrio” na ang mga titik ay batay sa unang nobela ng ipinatapon, ang Noli Me Tangere. Gayundin nang barilin naman ng mga Espanyol si Rizal noong 1896, upang ipahayag ang kanyang pagluluksa, kinatha niya ang isang marcha funebre, ang “Pahimakas.”

Hindi malilimutan ni Julio ang 2 Nobyembre 1896, sapagkat ito ang araw ng pag-alis niya sa kanyang tahanan ng 6:00 ng umaga upang maging bahagi ng kasaysayan. Tumungo siya sa Sulukan, Sampaloc upang kitain ang dalawang gabay na dinala naman siya sa kinaroroonan ni Manong Andres Bonifacio sa San Francisco del Monte. Mula doon, hatinggabi, nagtungo sila sa Balara, Marikina upang itatag ang isang himpilan.

Sa Katipunan, ang pangalan niya ay J. Giliw. Ayon sa kanya mismong sulatin, ginawa niya ito upang hindi ipahamak ang kanyang mg kamag-anak: ang kapatid niyang si Francisco Nakpil, na nakadetine sa barracks ng Guardia Civil Veterana; ang bayaw niyang si Dr. Ariston Bautista, na nakulong sa Fort Santiago; at upang hindi rin pag-initan ang kanyang mga kapatid na babae. “In the time of the revolution, when they failed to capture the insurgents, they seized their near relatives.”

Sa mga panahon ding iyon, Nobyembre 1896, ipinakomisyon kay Julio Nakpil ang itinuturing na pambansang awit ng pamahalaan ni Andres Bonifacio, ang Marangal na Dalit ng Katagalugan. Dito makikita na ang Katipunan ay hindi lamang kilusang mapanghimagsik kundi pagbubuo ng bansa batay sa dangal, puri, kabanalan, at kahusayan:

Mabuhay yaong Kalayaan

At Pasulungin ang puri’t kabanalan

Kastila’y mailing ng Katagalugan

At ngayo’y ipagbunyi ang kahusayan

Noon, hindi masigurado kung naipamahagi nga ang marcha nacional na ito sa mga Katipon. Ngunit, batay sa ilang bagong tuklas na dokumentong nasa Archivo General Militar de Madrid (AGMM), mayroon ngang himno nacional silang ginamit noon. Dalawang liham na may petsang 16 Marso 1897 at 31 Mayo 1897 na ipinadala ng isang maestro de orchestra na nagngangalang E.S. Kalunuran kay Julio Nakpil ay binabanggit ang isang "Dalit ng Katagalugan," na tinugtog ng kanyang orkestra sa Marikina. Gayundin, may liham si Bonifacio kay Julio Nakpil na may petsang 13 Pebrero 1897 na binabanggit sa kanya ang isang “himno nacional.”

Sa paglilinaw rin ng historyador at kolektor na si Emmanuel Encarnacion, mayroon siyang ilang mga pulyeto na inilathala bago ang digmaan na nagsasabing ang titik raw ay isinulat diumano ni Andres Bonifacio habang si Nakpil naman ang gumawa ng musika.

Marami pang mga piyesa ang lilikhain ni Nakpil na ay kinalaman sa himagsikan—“Pamitinan,” ukol sa kabundukan sa Montalban na kung saan nag-ilihan o nagsilikas ang mga Pilipinong ayaw pasakop sa Espanya; “Biyak-na-Bato,” ukol sa kasunduan nina Aguinaldo at mga Espanyol para sa kaibigang si Heneral Teodoro Sandiko; “Kabanatuan,” bilang pakikidalamhati sa pataksil na pagpatay kay Heneral Antonio Luna; “Balintawak” at “Salve Patria.”

Ang paggunita sa ika-150 kaarawan ni Julio Nakpil sa Bahay Nakpil-Bautista, Mayo 22, 2017. Photos: Xiao Chua
 
 

II. Mataas na Pangulo ng Katipunan

Kamakailan, mayroon isang nakubling katotohanan ukol kay Julio Nakpil ang natuklasan.

Sa talang isinulat ni Julio Nakpil para sa akda ni Teodoro Kalaw ukol sa Himagsikang Pilipino, na ibinilin na ilabas lamang matapos siyang mamatay, nagpatikim siya ukol ang katotohanang ito: “Toward the end of November, Andres Bonifacio was called by the Alvarez Brothers to San Francisco de Malabon (Cavite). Thereupon Bonifacio named Isidoro Torres Supremo in his place and J. Giliw Secretary.”

Ayon kay Alzona, napagkamalian pa ng ilan ang papel ni Nakpil kay Bonifacio na niliwanag na ang iniwan ni Bonifacio sa kanila ay ang “command of the revolution in the north of Manila”: “Some historical writers have called Nakpil Bonifacio’s secretary. That was inaccurate; he was secretary of the command under Bonifacio.”
Matagal na ipinalabas na alsa-balutan si Andres Bonifacio nang tumungo sa Cavite dahil wala na siyang pinamumunuan sa Hilaga. Ang persepsyon na ito ay ipinakita sa isang pelikula ukol sa himagsikan kung saan ang aktor na gumaganap na Bonifacio ay nagsabi sa aktor na gumaganap na Aguinaldo na, “Wala na ang Katipunan sa Maynila… Pero dito buhay pa ang himagsikan sa Cavite.”

Ngunit kung tutuusin, ayon mismo sa mga tala ni Julio Nakpil, nang mabalitaan mula sa Marikina na sasalakayin sila sa Balara, lumipat sila sa Real ng Bundo ng Pasong Kawayan na mas kilala sa tawag na Pantayanin sa paanan ng Sierra Madre sa Antipolo. Mula dito, nagpadala pa si Julio Nakpil ng mga pulbura para sa mga taga Cavite at kasama si Emilio Jacinto, pinangunahan ni Nakpil ang ikatlong pagsalakay sa San Mateo upang tangkaing ilayo ang atensyon ng mga Espanyol sa mga revolusyunaryo sa Cavite.

Sa matagal na panahon, hindi gaanong malinaw kung ano itong “command of the revolution in the North of Manila” na ito, kung gaano ito naging kalawak. Sapagkat dati wala pang sampung dokumento ukol sa Katipunan ni Bonifacio ang nahanap. Ngunit, kamakailan, nailabas ang 150 mga dokumento ng Katipunan na kinumpiska ng guardia civil veterana noong panahon ng rebolusyon na nasa Archivo General Militar de Madrid (AGMM). Ilan sa mga dokumentong ito, inilathala ng historyador na si Jim Richardson sa aklat na The Light of Liberty: Documents and Studies on the Katipunan, 1892-1897.

Dito mas lalong nagliwanag na kung ano itong hukbo sa dakong Hilagaan ng Maynila—Ito pala ang Mataas na Sangunian ng Hilagaan na nakabase sa Pantayanin at ang mga nasasakupan nito ay ang mga pangkat ng mga Katipon sa mga lalawigan ng Maynila, Morong, Bulacan at Nueva Ecija. Ilan sa mga dokumento nito, nakalagda si Isidoro Francisco bilang mataas na pangulo at J. Nakpil Giliw bilang mataas na kalihim. Ang kanilang katas-taasang pinunong hukbo dito ay si Heneral Emilio Jacinto.

Ilan sa mga dokumentong may kinalaman sa Mataas na Sangunian ay isang liham na may petsang 3 Disyembre 1896 mula sa pamunuan na inaatasan ang mga kasapi na magtipon sa Pantayanin para sa binabalak na pagsalakay sa Pasig. Isa sa mga pumirma nito ay si Isidoro Francisco (Añora) at si Julio Nakpil (Giliw) bilang M. na Kalihim. Mayroong ding liham si Bonifacio mula sa Cavite para sa Mataas na Sangunian na ito may petsang 12 Disyembre 1896 na nag-uutos sa kanila at bumabati sa kanilang pagtatagumpay laban sa mga Espanyol sa Antipolo.

Gayundin, isang liham ng 15 Disyembre 1896 na kabilang sa pumirma si Julio Nakpil (Giliw) ang nagpapabatid sa mga kasapi na dumalo sa pulong upang maghalal na anim na kasapi ng sanggunian, at kasama pa sa dokumento ang resulta nang naganap na halalan noong 17 Disyembre. Isa ring katitikan ng pagpupulong ng Mataas na Sanggunian noong 18 Disyembre 1896 na pinangunahan ni Hukbo Emilio Jacinto ang natagpuan ukol sa ibayo pang mga plano ukol sa pag-atake sa Pasig at iba pang mga pagsalakay na nilagdaan din ni Juio Nakpil (Giliw) bilang mataas na kalihim.

Subalit, ang mga sumunod na dokumentong natagpuan, makikitang hindi na si Isidoro Francisco kundi si Julio Nakpil na ang Mataas na Pangulo! Kabilang na rito ang katibayan ng pagbibinyag ng isang nagngangalang Patrisia noong 23 Pebrero 1897, at isang katibayan ng pagkakasal kina Geronimo Ignacio at Julia Saguisag sa nasabi ring buwan, kapwa pinangunahan ito ni Nakpil, at dinaluhan at nilagdaan nina Jacinto, at iba pa. Mayroon ding liham si Emilio Jacinto para kay Julio Nakpil na may petsang 11 Abril 1897 ukol sa mga biniling armas na magmumula sa Hapon o Hongkong at gayundin isa sa mga huling liham ng Kataas-taasang Pangulong Andres Bonifacio na may petsang 24 Abril 1897 at nagbibilin ukol sa ilang mga bagay, ay nagpapakita ng tiwala na ibinigay kay Julio ng mga pinuno ng Katipunan bilang Mataas na Pangulo ng Sangunian ng Hilagaan.

Ang matindi pa rito, may isang sulat na natagpuan sa Archivo Franciscoano Ibero-Oriental sa Madrid, Espanya na may petsang 18 Setyembre 1897 na nagpapatunay na patay na si Andres Bonifacio, ngunit Pangulo pa rin si Julio Nakpil ng Mataas na Sangunian, pirmadong humihingi ng donasyon sa isang Cipriano Ortiz mula sa Sta. Ana (na maaaring sa Maynila o sa Taytay, Rizal).

Samakatuwid, hindi lamang patunay ang mga bagong tuklas na dokumento na ito na ang Haring Bayang Katagalugan ni Andres Bonifacio ay tumakbo bilang isang pamahalaan, kundi sa mas Malaki palang papel na ginampanan ni Julio Nakpil bilang mataas na kalihim, at hindi naglaon, mataas na pangulo ng unang pamahalaang mapanghimagsik.

Bagama’t binanggit niya ukol sa Katipunan na “I was not a member of this association,” ngunit opisyal siya ng Pamahalaang Mapanghimagsik, dito natin makikita na may pagkakaiba talaga ang Katipunan bilang lihim na samahan, sa Katipunang sinalihan niya noong Nobyembre bilang isang ganap na pamahalaan na.

Bagama’t hindi isinulat ni Nakpil ang detalye ng kanyang pagiging pinuno ng mataas na sangunian dahil na rin marahil sa kanyang kababaang-loob, ginunita niya ang himpilan nito sa pamamagitan ng isang piyesang musikal na pinangalanan niyang “Pasig-Pantayanin.”

III. Kabiyak ni Ka Oriang

Bagama’t nagpakita siya ng kahandaan na tanggapin ang posisyon na Ministro ng Fomento (Minister of Development) ng Departmental Government of Central Luzon sa ilalim ni Heneral Emilio Aguinaldo, ipinatalastas niya ang pangangailangan na ituloy niya ang Katipunan ni Andres Bonifacio, “for the purpose of collecting more funds for the acquisition of firearms, telling them that the Katipunan revolutionists and even outsiders had very great faith in the Katipunan.” Pinaghinalaan niya na ikinasama ito ng loob ni Aguinaldo at inutusan sina Heneral Severino Taiño at Heneral Pio del Pilar na paslangin siya.

Kinupkop ni Nakpil ang balo ni Andres Bonifacio, ang 22 taong gulang na si Gregoria de Jesus o Ka Oriang, ang Lakanbini ng Katipunan. Walo ang naging supling nila kabilang na ang National Artist para sa Arkitektura na si Juan Nakpil. Nanirahan sila sa entresuwelo ng bahay ng kanyang bayaw na si Ariston Bautista Lin sa may Daang Barbosa sa Quiapo. Sa entresuwelo nakatira ang mga hindi gaanong mayayamang bahagi ng pamilya noon (Ngayon, ang Bahay Nakpil-Bautista ay isang Museo ng Katipunan). Naging ahente si Nakpil sa Cagayan Valley ng kumpanya ng kanyang bayaw na si Bautista Lin, ang Germinal Tobacco Factory, at hindi naglaon bodegero at mataas na kahero hanggang sa ito ay masunog. Namatay naman si Oriang noong 1943.

Ayon kay Bobbi Santos-Viola, apo nina Julio at Oriang at kasalukuyang Pangulo ng Bahay Nakpil Foundation, isang malaking patunay na wagas na pag-ibig ni Julio sa kanyang asawa ang isang sipi ng tula ni Oriang na may petsang Agosto 1897 para sa kanyang namatay na asawa na si Andres Bonifacio. Kung titingnan ang sipi ng tula na walang pamagat kung saan tinawag ni Oriang ang namatay na asawa na “masarap magmahal, may ari ng puso ko’t kabiyak na katawan” ay hindi mapagkakaila na nasa sulat-kamay ni Julio. #Ouch.

Bumalik siya sa pagkatha ng mga komposisyon, lalo na nang manalo ang mga puwersang Pilipino-Amerikano at ang mga gerilya, gumawa siya ng musika bilang parangal sa kanila, ang “Victory March.” Sa kanyang katandaan, naglalakad ng may baston tuwing umaga kung maganda ang panahon sa Luneta. Ngunit Todos Los Santos ng 1960, hind lumabas ng bahay sa Barbosa si Julio at nanatili sa kanyang kama.

Kinabukasan, 2 Nobyembre 1960, namatay si Julio Napil sa edad na 92. Sa petsa ring ito noong 1896, noong 29 taong gulang lamang siya, sumama siya kay Andres Bonifacio upang ialay ang kanyang buhay para sa kalayaan na tinatamasa natin ngayon. — BM, GMA News

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng History Department ng Pamantasang De La Salle Maynila.Isa siyang historyador at naging consultant ng mga GMA News TV series na “Katipunan” at “Ilustrado.”