Pagkasa sa ‘Mukbang Challenge,’ bakit patok sa mga Pinoy, at ano epekto sa kalusugan
Nagsimula sa South Korea noong 2010, naging patok din sa mga Pinoy ang "Mukbang Challenge" o ang pagkain ng uploader ng sangkaterbang pagkain sa kaniyang harapan habang naka-video. Kasabay nito, may paalala rin ang mga eksperto sa mga posibleng masamang epekto ng pagkasa sa challenge.
Sa "Brigada," sinabing nanggaling ang "Mukbang" sa salitang Korean na "muk-ja" na ang ibig sabihin ay "eating," at "bang-song" na nangangahulugang "broadcasting."
Inamin ni Alden Richards na mahilig siyang manuod ng mga Mukbang Challenge videos bilang stress reliever mula sa kaniyang strict diet, dahil nare-relax daw siya kapag naririnig niya ang pagnguya at paglagok ng tubig ng tao.
Si Barbie Forteza naman, natatakam din kapag nanonood ng Mukbang videos lalo pa kapag masarap kumain ang isang uploader.
Ang mag-asawang vloggers na sina Richard at Maria Teresa Legazpi ng "Sino si Richard," dumami pa ang views sa kanilang videos nang subukan ng kanilang pamilya ang Mukbang Challenge.
Dahil dito, kumikita sila ng P100,000 hanggang P200,000 kada buwan sa kanilang Mukbang videos, na mas malaki pa sa kita nila noon sa negosyo.
Ngunit nagbigay paalala si Krizia Erika Paylago, nutritionist-dietician, tungkol sa mga panganib na maaaring idulot ng pagkain ng marami, tulad ng posibilidad na mabulunan, indigestion, at taas ng calories.
Panoorin ang buong pagtutok ni Nelson Canlas sa Mukbang Challenge.
—Jamil Santos/LDF, GMA News