Nangaliwang misis, puwede bang humingi ng sustento kay mister?
Ako po ay isang babaeng may asawa at tatlong anak. Nakakahiya mang aminin, naging marupok ako at pumatol sa isang katrabaho kong nanligaw sa akin nang masinsinan. May asawa rin po siya, attorney. Sana ay huwag ninyo akong husgahan.
Isang taon naming nailihim ang aming relasyon. Para di mabisto, lagi kong hawak ang cellphone ko at kung iwan ko man sa mesa o sa aparador, pinapatay ko muna. Naka-password pa ito.
Ewan ko ba kung bakit isang araw, nakaligtaan ko itong patayin bago ko iwan sa aparador. Maliligo na kasi ako at excited dahil magkikita na naman kami ng mahal ko kaya nawala sa isip ko ang pag-iingat ko sa cellphone. Pakanta-kanta pa ako habang naliligo, nag lotion ng buong katawan para mabango at makinis ako kapag hinaplos ako ng mahal ko pagdating ko sa opisina. Ang pantry sa opisina ang madalas na lugar ng mga nakaw naming mga mala-gloryang sandali.
Iyon pala, habang naliligo ako ay kinakalikot na ng mister ko ang cellphone ko at binabasa na pala niya ang palitan namin ng matatamis na salita ng boyfriend ko. Ewan ko kung ano ang sumapi sa mister ko noong araw na iyon; hindi naman siya dating nakikialam sa mga gamit ko.
Paglabas ko ng banyo ay agad niya akong kinompronta. Itinanggi kong boyfriend ko ang ka-text ko. Sabi ko kaibigan ko lang iyon na madalas kong kabiruan, at kako’y ganyan kami magbiruan. Pero nang basahin ng mister ko isa-isa ang mga text sa malakas at gumagaralgal na niyang boses, nanliit ako sa hiya, dahil walang duda na palitan iyon ng text ng magkalaguyo. Nang humagulgol ang mister ko, ang tingin ko sa sarili ko ay napakabaho ko kahit ako’y balot sa halimuyak ng mabangong sabon at lotion.
Sa una’y gusto pa sana niyang magkaayos kami. Sabi niya hiwalayan ko raw ang kalaguyo ko at magsimula ulit kami. Pero, patawarin ako ng Diyos, mahal na mahal ko ang boyfriend ko. At mahal na mahal din niya ako. Ipinaglaban namin ang relasyon namin hanggang sa iniwan kami ng mga asawa namin tangay ang mga anak namin. Ngayon kami na ang nagsasama ng boyfriend ko.
Sa galit at matinding kahihiyan ng mister ko, umalis siya ng Pilipinas at nagtrabaho sa ibang bansa. Iniwan niya ang tatlong anak namin sa biyenan ko, pero kinuha ko sila nang minsang wala roon ang matanda.
Dati ay regular na nagpapadala ng sustento ang mister ko sa mga bata, pero mula nang kunin ko sila sa biyenan ko, hindi na siya nagpapadala. Paminsan-minsan na lang, pag pasko o birthday ng mga bata. At hindi tumataas sa P2,000 kung magpadala man siya. Twice a year umuuwi siya sa Pilipinas para magbakasyon. Doon siya tumutuloy sa nanay niya, at binabalitaan ako ng mga kasambahay kapag nandoon siya. Ilang beses na siyang nagbakasyon dito pero hindi niya binibisita ang mga bata, tinatawagan lang niya kung minsan.
Lumapit ako sa isang abogado para humingi ng tulong, pero sabi niya wala raw akong karapatang humingi ng sustento dahil ako ang nagkasala. Tama po ba iyon?
Nasa high school pa lang ang dalawa kong nakatatandang anak at grade five ang bunso. Hindi kaya ng sahod kong suportahan ang pag-aaral nila at ang iba pa nilang pangangailangan. Baon na po ako sa utang at sagad na ang mga loan ko sa opisina at sa SSS. Ang boyfriend ko ay hindi makatulong dahil nagpapadala rin siya ng sustento sa asawa at mga anak niya. Renta lang sa bahay namin pati pambayad sa ilaw at tubig ang kanyang kontribusyon. Ako naman sa pamalengke at tuition at baon ng mga anak ko. Kung hindi pa ako tinutulungan ng boyfriend ko, baka sa ilalim ng tulay na kaming mag-iina natutulog.
Ngayon po, ang balita ko ay may kinakasama na rin sa abroad ang mister ko, at ipapa-annul daw niya ang kasal namin para malaya na silang magpakasal. Pag na-annul po ba ang kasal namin ay tuluyan na siyang mawawalan ng obligasyon magpadala ng sustento sa mga anak namin?
Sising-sisi ako, pakiramdam ko ay sinintensyahan ko ang mga anak ko sa kahirapan dahil sa pangangaliwa ko.
Umaasa po ako sa payo ninyo. Salamat po.
Jen
Dear Jen,
Huwag kang mag-alala, hindi ka huhusgahan ng lathalaing ito. Tao lang tayong lahat; sino ba ang hindi marupok at walang bahid ng pagkakamali? Iyon nga lang, labag sa batas ang pagtataksil sa asawa. Masuwerte ka pa rin dahil hindi kayo sinampahan ng kasong adultery ng mister mo.
Marahil ay nagdududa na ang iyong mister noon pa man kaya niya sinilip ang cellphone mo. Ang labis kasing pagkahumaling sa cellphone at ang pagpapatay nito upang hindi masilip ng iba ay palatandaan na may sikreto ang may-ari nito. Siguro’y napansin din ng mister mo na blooming ka at laging mabango, at lagi ka pang excited pumasok sa trabaho. Hindi natural sa tao ang maging biglang excited pumasok sa opisina. Ang mga biglang pagbabago sa kilos ng isang asawa ay maaaring senyales na may ibang pinag-iinteresan ito.
Marahil ay nasaktan nang husto ang pride ng mister mo kaya’t ayaw niyang magpadala ng suporta sa iyo. Pero huwag mong sisihin ang sarili mo dahil hindi pa naman huli ang lahat.
Kahit ikaw ang nagkasala, may karapatan ka pa ring humingi ng sustento, lalo’t nasa pangangalaga mo ang mga anak ninyo. Anupaman ang hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa, patuloy silang may obligasyon na suportahan ang mga anak nila sa mga gastusin sa pagkain, bahay, damit, pag-aaral, transportasyon, pampagamot kapag nagkasakit, at iba pang mga kailanganin.
Bagamat nawawalan ng karapatan sa sustento ang isang ginang na nagtaksil, ito’y kailangan muna patunayan sa korte sa pamamagitan ng sapat na ebidensya. Pero ngayong pareho kayong may kinakasamang iba, patas na kayo ng mister mo na nagkasala sa ilalim ng batas.
Dahil pareho kayong may trabaho, patas din kayong may obligasyon na suportahan ang mga anak ninyo ayon sa inyong kakayahan. Kung mas malaki ang sahod niya, mas malaki rin dapat ang ibinibigay nya.
Bakit hindi mo muna kausapin nang maayos ang mister mo sa susunod na magbakasyon siya rito? Marahan mong ipaalala sa kanya na walang kasalanan ang mga anak ninyo at hindi niya dapat parusahan ang mga ito. May obligasyon siya sa ilalim ng batas na tumulong sa iyo sa pagtataguyod ng mga anak ninyo.
Kung tumanggi siya sa kabila ng iyong pakiusap o kaya ay hindi sya sumunod sa usapan ninyo, maaari kang dumulog sa korte at kumuha ng protection order para ipaglaban ang mga karapatan ninyong mag-iina sa ilalim ng RA 9262. Ayon sa nasabing batas, ang hindi pagbibigay ng isang lalaki ng sustento sa kanyang asawa (o kinakasama) at mga anak ay economic abuse, at ito ay isang uri ng pagmamaltrato sa isang babae at sa kanyang mga anak. Maaari ka ring kumuha ng hold departure order para hindi makaalis ng bansa ang mister mo upang takasan ang kaso.
Maaari kang lumapit sa Public Attorney’s Office (PAO) o sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa lugar ninyo para matulungan ka. Sabihin mo lang na RA 9262 ang kaso mo para mas mabilis silang kikilos. Libre ang serbisyo-legal sa mga tanggapang iyan.
Kapag naghain naman ang mister mo ng petition sa korte para ipawalang-bisa ang kasal ninyo, maaari mo itong sagutin sa pamamagitan ng paghain din sa korteng iyon ng iyong “Answer.” Sa sagot mong iyan ay maaari mong ilahad na ikaw ay nagsampa ng kaso sa ilalim ng RA 9262 laban sa mister mo kaugnay ng economic abuse, at maaari mong hilingin ang sustentong nararapat sa inyong mag-iina.
Kahit kung sa bandang huli ay magdesisyon ang korte na ipawalang-bisa ang kasal ninyo, hindi maaaalis sa mga anak mo ang karapatang tumanggap ng regular at sapat na sustento mula sa kanilang ama.
Sana ay nakatulong sa iyo ang payo na ito. All my best wishes to you and your children.
Atty. Reeza
Si Atty. Reeza Singzon ay isang abogadong humahawak ng mga kaso sa Family Law at Civil Law. Para sa mga katanungan, maaari siyang sulatan sa reeza.singzon@gmail.com