ADVERTISEMENT
Filtered By: Lifestyle
Lifestyle
LEGAL ADVICE

Nag-convert sa Islam, may bisa ba ang ikalawang kasal?


Dear Atty. Reeza,
 
Ako po ay isang 24 anyos na dalaga na may nobyong 15 taon ang tanda sa akin. Ayaw ko sana sa kanya noon kasi sa tingin ko matanda na siya at hindi siya ang tipo kong lalaki. Pero matiyaga siyang nanligaw sa akin sa loob ng halos isang taon, hanggang sa nahulog na rin ang loob ko sa kanya.
 
Marahil ay pagtatawanan ninyo ako, attorney, sa edad kong ito ay wala pa akong karanasan sa mga makamundong bagay. Una, dahil natatakot ako. Pangalawa, nalalaswaan ako. Unang boyfriend ko pa lang po itong nobyo ko, at ni hindi pa nya ako nahahalikan sa labi. Sa simula pa lang sinabihan ko na siya na ayaw kong gumawa ng mga malalaswang bagay habang dalaga ako. Kasi ang gusto ko sana ay maging regalo ko sa magiging mister ko ang puri ko. Awa ng Diyos, hindi naman siya namilit.

Mabilis dumaan ang isang taon na kami ay magkasintahan nang walang kalaswaan. Paminsan-minsan ay nahuhuli kong nakatitig siya sa balakang ko, at ako man ay madalas managinip kung matamis ba ang mga labi niya. May mga nararamdaman akong kiliti sa katawan kapag nandiyan siya sa tabi ko, pero nakokontrol ko naman ito. Pero siya, sabi niya’y hirap na siya sa pag-kontrol, kaya nitong Mayo ay inalok na niya ako ng kasal.
 
Walang mapagsidlan ang kaligayahan ko noong mag-propose siya. Habang isinusuot niya ang singsing sa daliri ko ay napaluha ako. Maliit man ang diamante nito, pakiramdam ko ako na ang pinakamayamang babae sa buong mundo.
 
Mabilis kaming kumilos dahil gusto niya makasal kami agad. Dahil may opisina siya sa araw, ako ang pumunta sa NSO para kumuha ng mga birth certificate namin. Kumuha na rin ako ng CENOMAR dahil sabi ng tiyahin ko, kailangan din daw ito. Doon ko nalaman sa CENOMAR na may pinakasalan na pala siyang iba noong 1998, noong pitong taong gulang pa lang ako.

Nagdilim ang mundo ko sa nadiskubre ko. Nakauwi ako nang hatinggabi na dahil naligaw ako. Mali-mali ang nasakyan ko dahil sa tulala talaga ako.

Kinabukasan, nang manumbalik ang ulirat ko, kinompronta ko ang nobyo ko. Doon ko nalaman na bukod sa may asawa ay may tatlong anak pala siya. Nasa U.S. ang pamilya niya. Pero sabi niya, bago umalis ang misis niya noong 2008 ay nagpirmahan sila ng kasunduan na wala na silang pakialam sa isa’t isa, kaya malaya na daw siya kung tutuusin. Ipinakita pa niya sa akin ang kasulatan nila, pero sa galit ko’y hindi niya ako naamo.
 
Hindi pa diyan nagtapos ang hinagpis ko. Nitong Hulyo, makaraan ang dalawang buwan niyang pagsusumamo, kung kailan naman lumalambot na uli ang kalooban ko sa kanya, may babaeng tumawag sa akin. Asawa daw siya ng nobyo ko, at kung pwede raw ay huwag kong sirain ang pamilya nila. Sabi ko wala na siyang habol sa mister niya dahil pumirma na siya ng kasulatan. Sabi niya, “Anong kasulatan? Wala akong pinirmahang kasulatan kundi iyong kasal namin at birth certificate ng mga anak namin!”

Kinompronta ko na naman ang nobyo ko sa pag-aakala kong nagsinungaling siya sa akin tungkol sa kasulatan nilang mag-asawa. Iyon pala, may iba pa siyang asawa. Sa pag-uumiyak ko ay napilitan siyang umamin na noong 2006, lingid sa kaalaman ng first wife nya, nagpa-convert siya sa Islam at nagpakasal sa Muslim rites sa isang dati niyang girlfriend.

Maiinis kayo sa akin, attorney, pero matapos ang ilang araw na iyakan, paliwanagan, at pagsusumamo, pinatawad ko rin ang nobyo ko. Nakita ko kasing taus-puso naman ang pagsisisi niya, at mahal na mahal naman niya ako pati ang pamilya ko.

Pero ang problema ko ngayon ay pinagbabantaan ako nitong  pinakasalan niya noong 2006. Kakasuhan daw ako ng adultery, bigamy, at kung anu-ano pa. May bisa ba ang kasal nila sa Muslim rites? Hindi sumasamba sa Islam ang nobyo ko. Sa simbahang Katoliko siya pumupunta tuwing Linggo kasama ko at ang buong pamilya ko. May karapatan ba ang babaeng iyon na kasuhan ako?
Paano ako makakaiwas sa demanda?
 
LoveJoy
 

Dear LoveJoy,
 
Ako man ay naluluha tuwing may nagbibigayan ng singsing na diamante, dahil malamang ay blood diamond iyon at ang pera ay ginagamit sa mga madudugong giyera sa ilang lugar sa Africa.

Nalulungkot din ako dahil sa hinagpis na dinanas mo sa panlilinlang sa iyo ng nobyo mo. Sigurado ka bang iyang dalawa lang ang pinakasalan niya? Mag-imbestiga ka iha, dahil baka may pinakasalan pa siya sa Igorot rites, Mangyan rites, Manobo rites, etc.

Unang-una, ang kasal niya sa unang asawa ay may bisa pa hanggang ngayon. Ang kasunduang pinirmahan nilang mag-asawa na nagsasabing wala na silang pakialam sa isa’t isa ay pawang scratch paper lang. Walang bisa ang kasunduang iyon, dahil tanging ang korte ang maaaring tumunaw sa kasal nila.

Iyan namang pagpapa-convert sa Islam para makapag-asawa ng higit sa isa, maraming Pilipino ang gumagawa niyan, lalo na sa mga kababayan nating nag-OFW sa Middle East at nagkaroon ng konting kaalaman tungkol sa kultura roon. Akala nila, basta’t magpa-convert sila sa Islam ay pwede na silang mag-asawa ng hanggang apat na sabay-sabay nang hindi sila makakasuhan ng bigamya. Ang totoo, sa ilalim ng Muslim Code ay may mga istriktong patakaran bago makapag-asawa ng dalawa o higit pa ang isang lalaking Muslim, pangunahin dito ang mga sumusunod:

Una, kung ang lalaki lang ang nagpa-convert at ang babae ay nananatiling non-Muslim, ang proseso at ritwal ng kanilang kasal ay kailangan gawin nang naaayon sa Muslim Code. Kung hindi, sakop pa rin sila ng Family Code at Revised Penal Code. Ibig sabihin nito, isang asawa lang ang puwede at ang sinumang may dalawa o higit pang asawa ay maaaring makasuhan ng bigamya.
 
Pangalawa, ayon sa Muslim Code kailangan may permiso ng unang misis bago magpakasal ulit ang lalaki. Sabi mo’y lingid sa kaalaman ng first wife niya ang pagpapa-convert ng nobyo mo sa Islam, at sikreto din pagpapakasal sa dati niyang girlfriend. Diyan pa lang ay lumabag na siya sa Muslim Code, kaya sakop pa rin siya ng Family Code at Revised Penal Code sa usaping bigamya. Dagdag pa diyan, sabi mo’y hindi naman siya sumasamba sa pamamaraang Islam kundi sa simbahang Katoliko pa rin. Diyan ay makikita mong hindi taos-puso ang pag-convert niya, at ginawa lang niya iyon para makapag-asawa uli. Ito’y hindi tanggap sa Islam.

Pangatlo, dapat may pinansyal na kakayahan ang lalaki para masustentuhan nang pantay ang dalawang (o higit pang) pamilya niya, at dapat ay kaya niyang bigyan ng “equal companionship” ang mga asawa niya. Dito sa atin, karamihan sa mga lalaking nagpapa-convert para lang makapag-asawa uli ay malimit hindi makapagbigay ng sustento sa mga anak nila. Kadalasan pa ay hindi na umuuwi si mister sa bahay. Ang mga pagkukulang na ito ay labag sa ating batas sibil at maging sa batas ng mga Muslim sa pag-aasawa.
 
Bagamat maaaring kasuhan ang nobyo mo ng bigamya ng sinuman sa dalawang misis niya, hindi ka nila pwedeng idamay dahil hindi pa naman kayo kasal. Hindi ka rin pwedeng kasuhan ng adultery dahil angkop lang iyan kapag ang babae ang siyang may-asawa at siya’y nangaliwa. Pero kapag itinuloy mo ang pagpapakasal sa nobyo mong iyan kahit hindi pa nalulusaw ng korte ang dalawang naunang kasal niya, maaari kang madamay sa kasong bigamya, lalo’t alam mo nang may mga asawa siyang iba pero pumayag ka pang magpakasal sa kanya. Kung mag live-in naman kayo, maaari kayong kasuhan ng concubinage.
 
Para makaiwas ka sa demanda, huwag ka munang magpakasal o makipag live-in sa nobyo mong iyan. Base sa kwento mo ay walang bisa ang kasal niya bilang converted Muslim. Ganunpaman, kailangan muna niyang gawing pormal ang paglusaw sa kasal na iyon. Maging ang una niyang kasal ay kailangan muna niyang ipawalang-bisa sa korte, bago siya magkaroon ng layang pakasalan ka sa legal na paraan.
 
Bagamat humaling ka sa nobyo mo ngayon, payo ko’y mag-imbestiga ka pa rin. Sa karanasan ko kasi sa paglilitis ng mga kaso sa family law, nakita ko na installment kung umamin ang mga taksil---kung ano lang ang nadiskubre mo, iyon lang ang aaminin nila. Mapatawad mo man siya nang paulit-ulit, paano kung sa huli ay ikaw ang makalaboso nang dahil sa mga bagay na inilihim niya sa iyo?
 
Hinay-hinay sa pag-desisyon tungkol sa kasal. Bata ka pa at inosente pa sa mga kabalbalang minsa’y ginagawa ng mga magsing-irog na nakakasakit sa damdamin o nakakasira ng buhay ng isa’t isa. Sabi mo’y ni hindi ka pa nahahalikan, pero hayan at gusto mo nang magpakasal sa kauna-unahan mong nobyo. Para kang bumili ng mamahaling sapatos nang hindi muna nagsukat, sa isang tindahan na hindi pwedeng magsauli.
 
Normal ang mga kiliting nararamdaman mo, at ang sinasabi mong “kalaswaan” ay mahalagang parte ng ating buhay at pagkatao. Hindi ito dapat pandirihan o katakutan, dahil baka sa bandang huli ay iyan pa ang pagsisihan mo, na kung kailan nakatali ka na ay doon mo pa lang madiskubre na hindi tugma ang mga hangad o mga hilig ninyo sa inyong pisikal na relasyon.
 
Ito ang huling sinulat ko tungkol sa mga bagay na dapat pagmuni-munihan bago magpakasal.

Sana makatulong iyan sa mga magiging desisyon mo bago ka sumabak sa buhay may-asawa.
 
Atty. Reeza
 



Si Atty. Reeza Singzon ay isang abogadong humahawak ng mga kaso sa family law at civil law. Para sa mga katanungan, maaari siyang sulatan sa reeza.singzon@gmail.com

Tags: muslimlaw