Filtered By: Topstories
News

Anak ni Dolphy, natuwa sa pagpabor ni PNoy na gawing National Artist ang ama


Ikinatuwa ng anak ni Comedy King Dolphy ang pagpabor ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagdedeklara kay Dolphy bilang National Artist.
 
"Incredible. Actually, I'm so honored that he took notice of my dad and I have always been thankful," ani Ronnie Quizon, isa sa mga anak ni Dolphy, sa GMA News Online.
 
Inihayag ni Aquino nitong Huwebes ng hapon na sang-ayon siya sa mungkahing gawing National Artist ang Comedy King.
 
Sa kabila nito, iginiit niyang susundin pa rin niya ang proseso sa pagpili ng mga mabibigyan ng parangal.
 
"May prosesong kailangan daanan, merong mga pagboboto, debate na kailangang daanan bago nila dapat ipadala ang rekomendasyon sa akin. Kung tutuusin ministerial lang ako," aniya.
 
Ayon kay Ronnie, nagpapasalamat ang pamilyang Quizon sa Pangulo ngunit "actually, he doesn't really need to do anything."
 
Para sa kanya, sapat na umano ang naunang gawad na ibinigay ng Malacañang sa kanyang ama.
 
Ginawaran ng Malacañang ng Grand Collar of the Order of the Golden Heart  si Dolphy noong 2010.
 
"Giving the award before, the last time we were in Malacañang, my dad really appreciates that so much," aniya.
 
Nitong nakaraang linggo, ginawaran muli si Dolphy ng pinakamataas na parangal ng Lungsod ng Maynila. Ang anak niyang si Vandolph ang tumanggap sa parangal para sa kanya.
 
Sang-ayon din si Ronnie na huwag pangunahan ni Aquino ang proseso sa pagpili.
 
Sa katunayan, nakausap na ng Pangulo ang kanyang pamilya tungkol dito.
 
"Actually, he explained that to us in those little chats in Malacañang and I told him naman, 'Sir, my dad would prefer it na talagang walang bahid’, it won't be attacked against Noynoy. Or my dad or whoever," aniya.
 
"Hindi naman ina-aspire ng dad ko 'yun e. Pero kung ibibigay, mas maganda 'yung malinis," aniya.
 
Ayon naman kay Ronnie, hindi na rin nila naisip ang tungkol sa isyu ng National Artist sapagkat mas binibigyan nilang pansin ang kalagayan ng kanilang ama habang nakaratay ito sa ospital.
 
"Wala e, kasi now, our concern is our dad. 'Yung health lang naman niya inisip namin. We're not really thinking about the National Artist naman, especially now when my dad got sick," aniya.
 
Ayon sa kanya, sapat nang malaman niyang maraming nagmamahal at nagsusuporta sa kanyang ama.
 
"The nation already prayed for my dad. Iyon palang, that's enough," aniya.
 
Ayon kay Ronnie, nais sana niyang nakapagpasalamat ang kanyang ama ng personal sa lahat ng mga sumuporta sa kanya.
 
"I wish nga my dad was able to say to the nation, thank you for the acknowledgment. Better na 'yun than any award. Kasi it's the spirit, it's the love, you don't need awards for that. It's incomparable," aniya.
 
"Kahapon pa, nasa hospital palang kami, we've been very-very overwhelmed so alam na namin if this happens, ganoon ang outpouring. Sobrang happy kami for my dad na na-appreciate ng bansa ang ginawa niya. Actually, hindi lang ng bansa, the world din, I guess. Kasi ang dami, even up to know I haven't finishing reading," dagdag niya.
 
Dumalo si Aquino sa lamay ng Comedy King sa Heritage Park nitong Huwebes ng bandang 5:30 ng hapon upang makiramay sa pamilyang Quizon. — DVM/ELR, GMA News
Tags: dolphy