Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

TULA: Anak, nasaan ka na?


Nais ko pong ibahagi ang bago kong tula para sa aking mga kapwa OFW, at kanilang mga anak. Nawa'y maging daan ito sa kaginhawaan ng kalooban ng bawat OFW na may mga anak na nag-aaral sa Pilipinas. At maging inspirasyon ito sa mga anak ng OFWs. Anak nasaan ka na? Anak saan ang landas na iyong patutunguhan? Ano ang iyong plano sa kinabukasan? Mayroon ka bang nais subukan? Na sa mura mong edad ay gustong matikman? Nais kong malaman mo na hindi madali, bilang OFW, na mawalay sa piling mo. Gustuhin ko mang palaging nandyan sa tabi mo, upang damayan ka sa problema mo. Ngunit mas mabigat ang responsibilidad ko, na bigyang kinabukasan kayong pamilya ko. Kung alam mo lang ang mga nilalaman, nitong puso’t isipan ko. Mga hinaing at hirap ng kalooban, baka hindi mo ito makayanan. Ngunit patuloy akong nagdarasal, patuloy na humihiling sa Maykapal. Na sana kahit sa isang saglit lang, maalala mong sa iyo'y may nagmamahal. Na handang ibaba ang aking dangal, makapagtapos ka lang sa iyong pag-aaral. Sa iyong murang isipan, maaaring ako'y iyong hinuhusgahan. At dala na rin marahil, ng barkada mong sinasamahan. Muling tingnan ang iyong dinaraanan, landas ba 'yan sa gusto mong puntahan? Sana'y bigyang laya ang iyong isipan, barkada ay panandalian lamang. Ngunit ang kaalaman at kalinangan, ay habambuhay kang sasamahan. Ang iyong mga natutunan'y, hindi mananakaw ng sinoman. Nasaan ka na anak? Ano ang iyong binabalak? Kung ano man ang plano mong puntahan, kung saan man magtungo ang iyong kapalaran. Narito kaming iyong mga magulang Palaging nakahanda na ikaw'y unawain at pakinggan. Mahal na mahal kita anak. -- GMA News Francis Morilao Tungkol sa may-akda: Si Francis Morilao ay isang manggagawang Pinoy na nasa Doha, Qatar. Sa pamamagitan ng GMANews.TV/KwentongKapuso, nais niyang maibahagi ang kanyang mga nalikhang tula sa kanyang mga kababayan. Mababasa ang mga ito kanyang blog na mga kathang isip ni Kiko. Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!