Filtered By: Topstories
News

P3,000 wage hike sa govt employees muling iginiit


MANILA - Muling kinalampag ng grupo ng mga kawani ng pamahalaan ang Kamara de Representantes nitong Martes upang hilingin sa mga kongresista na aprubahan ang panukalang batas na magpapatupad ng P3,000 dagdag sa sweldo sa manggagawa sa pamahalaan. Ayon sa grupong Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o COURAGE, mas makatotohanan ang P3,000 across the board wage hike kasya sa panukala ng pamahalaan na Salary Standardization Law 3 (SSL 3). Sinabi ni Ferdinand Gaite, pinuno ng COURAGE, higit na makikinabang ang maraming kawani ng gobyerno na nasa Salary Grade 1 sa P3,000 umento kaysa sa SSL 3. Sa ilalim nito ay ipatutupad ang mahigit 100 porsyentong umento sa matataas na opisyal ng pamahalaan, samantalang maliit naman ang makukuha ng mga nasa mababang posisyon. "Ipapako sa halos apat na taon ang sweldo ng maliliit na kawani kung ipatutupad ang nilalaman ng SSL 3. Kaya walang silbi ang ipinapanukalang dagdag-sweldo ng pambansang gobyerno," paliwanag ni Gaite. Iginiit nito na hindi umano dapat ipagkait ang munting ginhawa sa mga kawani na gumaganap ng mahusay sa kanilang tungkulin araw-araw sa mga opisina ng gobyerno mula umaga hanggang hapon o gabi. Idinagdag ng COURAGE hindi dapat gamiting sangkalan ng pamahalaan ang pagbulusok ng ekonomya dahil sa krisis na dinaranas ngayon ng US upang hindi ibigay ang umento sa mga kawani. Sinabi nito na kaya ng pamahalaan na masolusyunan ang problema basta't magpatupad ang gobyerno ng mga nararapat na hakbang para maibsan ang krisis. Iminungkahi ni Gaite na ibasura ng gobyerno ang patakarang liberalisasyon sa ekonomya at pagsunod lamang sa dikta ng makapanyarihang mga bansa gaya ng US. Dapat din umanong isulong ang pambansang industryalisasyon sa pamamagitan ng pagpapalakas sa sektor ng agrikultura, pagsusulong ng tunay na repormang agraryo, at paglikha ng mga programang makatao at makabayan. - GMANews.TV