Filtered By: Topstories
News

Suporta ni JDV sa impeachment mahalaga - Zamora


MANILA – Inihayag ni House minority leader Ronaldo Zamora nitong Martes na mahalaga ang suporta ni dating Speaker Jose de Venecia Jr. upang mapadali ang pag-akyat sa Senado ng impeachment complaint laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sinabi ni Zamora na kailangang kumbinsihin ng negosyanteng si Joey De Venecia III ang kanyang ama na si JDV na suportahan at iendorso ang inihain nitong reklamo laban kay Arroyo. Makatutulong umano ang dating lider ng Kamara na makakuha ng suporta sa iba pang kongresista para mapadali ang pag-akyat ng reklamo sa Senado at malitis si Arroyo. "If the complainants want to have this (complaint) get to the Senate, they have to do a little more of what has been done in the past three years. They have to convince JDV to back up his son, who is the principal complainant," pahayag ni Zamora. Idinagdag ng lider ng minorya na hindi makatutulong sa pag-usad ng reklamo ang katwiran na delicadeza ang dahilan kaya hindi inindorso ng dating speaker ang impeachment complaint ng anak. “If the father can’t be convinced about the legitimacy of the complaint filed by his son, how can we in the minority go around and convince others to join us?" pahayag nito. Nang tanungin kung maituturing na setback sa impeachment complaint ang pagtanggi ni De Venecia na suportahan ang reklamo ng anak, sagot ni Zamora, “I would say so (setback). But Joey has a different story for that." Kailangan ang hindi bababa sa 74 lagda ng mga kongresista upang mabuo ang articles of impeachment at maihatid ang reklamo sa Senado at hindi na dumaan sa House Justice committee. Pagkaraan nito ay bubuuin ng mga senador ang impeachment court upang dinggin ang mga alegasyon laban sa pangulo tulad ng paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption at pagtataksil sa tiwala ng publiko. Ngunit para kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, isa sa mga nag-endorso ng reklamo, mas dapat tutukan ng nakababatang De Venecia ang pagpapaliwanag sa mga kongresista sa laman ng kanyang reklamo upang mahikayat ang silang suportahan ang impeachment complaint. “We are giving JDV time to mull over his move. What is important is for him to convince members of the majority to support the complaint once it is taken up by the (House) justice committee," ayon kay Ocampo. - GMANews.TV