Filtered By: Topstories
News

Pagdeport ng Malaysia sa mga Pinoy nais ipasiyasat sa Kamara


MANILA - Nais paimbestigahan ng isang kongresista sa House committees on foreign affairs at overseas workers affairs ang umano’y pagmamaltrado at hindi makataong pagtrato sa mga Pinoy sa Sabah, Malaysia na pinabalik sa Pilipinas. Sa panayam nitong Martes, sinabi ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo na kailangan alamin ng Kongreso ang katotohanan sa mga reklamo na ipinahiya at sinasaktan ng mga Malaysian authorities ang mga Pinoy na dinakip sa kanilang mga bahay, trabaho at kahit sa pampublikong lugar. “I am calling for an inquiry, the House committees on foreign affairs and overseas workers affairs should look into the inhumane treatment against Filipino deportees," ayon sa kongresista. Ang kahilingan ni Ocampo ay batay umano sa resulta ng isinagawang fact-finding mission ng Migrante International noong Oktubre 2 - 5 tungkol sa naging kalagayan ng mga Pinoy deportees na pinabalik sa Mindanao. Bukod sa Migrante, kasama sa ginawang fact-finding mission ang Gabriela Women’s Partylist group, EnGendeRights at Association for the Rights of Children in Southeast Asia . Nais naman ni Gabriela party-list Rep. Luzviminda Ilagan na maghain ng diplomatikong protesta ang Pilipinas laban sa Malaysia dahil sa hindi magandang pagtrato sa mga Filipino. “Migrante findings are true. Personal interviews say so. Government should address these concerns," pahayag ni Ilagan. Lumitaw sa pag-imbestiga ng Migrante na umabot sa 200 hanggang 500 deportees ang nagsisiksikan sa isang kulungan na natutulog sa sahig na walang sapin. Hindi sapat rin umano sapat ang pagkain na ibinibigay sa mga deportees kaya maging ang nabubulok na pagkain ay kanilang pinagtiisan. – GMANews.TV