Filtered By: Topstories
News

Dahilan ng fish kill sa Angat dam tinukoy ng BFAR


MALOLOS CITY — Ang biglang pagbabago ng panahon ang pinapaniwalaang dahilan ng fish kill sa Angat dam, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Martes. Sinabi ni Gloria Carillo, hepe ng Provincial Agriculture Office (PAO), humupa na ang pagkamatay ng mga isda sa dam na nagsimula noong Septembre 27. Batay umano sa pagsusuri ng BFAR, tumaas ang antas ng unionized ammonia sa tubig bunga ng biglang pagbabago ng panahon. "Umabot sa 0.022 milligram per liter ang unionized ammonia pero ang allowable at 0.02 mg/l lamang," pahayag ni Carillo sa panayam. Sinabi ng opisyal na nakasaad din sa pagsusuri ng BFAR na ang thermal stratification o pagbabago sa temperatura ng tubig na hatid ng malakas na ulan matapos ang mainit na panahon ang nakasama sa kondisyon ng mga isda. Sa kabila nito, ipinadala na sa CRL laboratory sa Clark Field, Pampanga ang tissue samples na kinuha ng BFAR sa mga isda upang suriin kung kontaminado ang mga ito ng heavy metals tulad ng mercury, cadmium, lead, arsenic, at chromium. Kasabay nito, nanawagan si Bulacan governor Joselito Mendoza sa publiko na maging maingat sa pagkakalat ng impormasyon sa naganap na fish kill upang hindi magdulot ng pagkabahala sa publiko at makaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda. Unang nakiusap ang mga katutubong Dumagat kay Bulacan vice governor Willy Alvarado kaugnay sa masamang epekto ng fish kill sa kanilang kabuhayan. Kinumpirma naman ni Bro. Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Multi-sectoral Council (SSMMSC), na nagugutom ang mga katutubo dahil sa pag-iwas nilang kumain ng isda mula sa dam dahil sa pangamba na magkaroon ito ng masamang epekto sa kanilang kalusugan. - GMANews.TV
Tags: fishkill, bfar