Filtered By: Topstories
News

13 MILF pinapaniwalaang nalagas sa Maguindanao


MANILA – Tinatayang 13 rebelde mula sa Moro Islamic Liberation Front ang nasawi at 30 iba pa ang nasugatan sa isinagawang military airstrikes sa Datu Piang, Maguindanao nitong Huwebes. Ayon kay Major Randolph Cabangbang, tagapagsalita ng Armed Forces’ Eastern Mindanao Command (Eastmincom), ang airstrikes ay sinimulan dakong 9:55 a.m. sa bisinidad ng Sitio Nimao sa barangay Andavit. Ang pag-atake, ayon kay Cabangbang ay bahagi ng pagtugis ng militar sa grupo ni Kumander Ameril Umbra Kato na pinapaniwalaang nasa likod ng pagsalakay sa mga sibilyan sa North Cotabato noong Agosto. Inamin ng militar na ang pagtaya nila sa bilang ng mga nasawi at nasugatan sa panig ng mga rebelde ay batay lamang sa impormasyong nakukuha sa lugar at wala pang aktuwal na body count. “We conducted the airstrikes prior to the advancing of the troops. That is our doctrine," pahayag ni Cabangbang. Matapos umano ang mga airstrike, kumilos ang tropa ng 54th Infantry Battalion patungo sa lugar ng mga rebelde kung saan nakita ang mga bunker at bahay na pinagtaguan ng mga rebelde. Sinabi ni Cabangbang na nagawang makatakas ng mga rebelde matapos ang airstrikes. “They left already (when the ground troops) arrived. They will not stay there while we are conducting airstrikes," ayon sa opisyal na ibinalitang nakuha naman ng gobyerno naturang kuta ng mga rebelde. Ngunit hindi naman itinuturing tagumpay ni Colonel Marlou Salazar, commander ng 601st Brigade, ang pagkakakuha ng kampo ng mga rebelde. “We are not after their camps, we are running after people," pahayag nito. - GMANews.TV