Filtered By: Topstories
News

21 Pinoy seamen nabihag sa Somalia


MANILA - Matapos ang sunod-sunod na pagpapalaya sa ilang tripulanteng Pinoy na binihag ng mga hinihinalang pirata sa Somalia, 21 panibagong seamen ang nabihag sa nasabing bansa matapos i-hijack ang isang barko nitong Miyerkules na dumaan sa Gulf of Eden. Dahil dito, muling tumaas sa 68 ang bilang ng mga tripulanteng Pinoy ang bihag ng mga pirata sa Somalia. Nitong mga nagdaang araw, umabot sa 37 Pinoy seamen ang sunod-sunod na pinalaya ng mga pirata matapos umanong magbayad ng ransom ang mga may-ari ng mga barko na kanilang sinakyan. Kinumpirma ni Vice President Emmanuel "Noli" de Castro, presidential adviser on overseas Filipino, ang pagkakabihag ng 21 Pinoy na sakay ng M/T African Senderling batay na rin sa ipinalabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs. "Our government, has already contacted the concerned manning agency in the Philippines . We are still awaiting further developments on the latest Somali piracy case," ayon sa pahayag. Sinabi naman ni DFA undersecretary Esteban Conejos na nakikipag-ugnayan na ang mga embahada ng Pilipinas sa Seoul, Tokyo at Nairobi upang makipagtulungan sa mga may-ari nang barko, operators at international maritime authorities para mapalaya ang mga bihag na Pinoy. Sa 29 na barko na inaagaw ng mga pirata, 11 pa ang nasa kustodiya ng mga ito kasama ang mahigit 200 tripulante. Mula Hulyo hanggang Setyembre, umabot sa siyam na barko na sinasakyan ng may 106 tripulanteng Pinoy ang inagaw ng mga pirata. Idineklara ng Department of Labor and Employment na high-risk zone ang Gulf of Eden at inobliga ang mga may-ari ng barko na doblehin ang hazard pay ng mga Pinoy seamen na dadaan sa naturang karagatan. Bukod pa rito, may karapatan ang mga tripulanteng Pinoy na bumaba ng barko kung ayaw nilang dumaan sa naturang lugar kung inaakala nilang malalagay sa peligro ang kanilang buhay. Ang mga barko na hawak pa ng mga pirata na may sakay na Pinoy ay ang MV Iran Deyanat (dalawang Pinoy); MT Stolt Valor (dalawang Pinoy); MV Centauri (26 Pinoy); at MV Capt Stephanos (17 Pinoy). - GMANews.TV