Filtered By: Topstories
News

Bigas na mayaman sa iron ipinapabenta ng solon


MANILA – Hiniling ng isang kongresista sa Department of Health (DOH) at National Food Authority (NFA) na magsanib ng pwersa sa isang programa upang tiyakin na ang bigas na ibebenta sa merkado ay mayaman sa bitaminang iron. Sa resolusyon na inihain ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, sinabi nito na marami sa mga batang Pinoy ang malnourished dahil salat sa bitamina ang kanilang kinakain bunga ng kahirapan. Ang micronutrient deficiency ang pangunahing problema muna sa kalusugan ng mga bata dahil sa kakulangan ng Vitamin A, Iron at Iodine, ayon sa kongresista. "Among the health issues that developing countries face today, none is more compelling than the pervasive and puzzling problem of Iron deficiency and its clinical form, iron deficiency anemia," paliwanag niya. Idinagdag ni Rodriguez na kalahati ng populasyon ng preschool children sa mga developing countries tulad ng Pilipinas ay anemic, kumpara sa pitong porsyento lamang sa mga maunlad na bansa. "Asia is responsible for three fourths of the world's iron deficiency problem, which affects two billion people. In Asia, iron deficiency anemia affects 60 percent of women and also about 40 to 50 percent of preschoolers and primary graders," paliwanag ng mambabatas. Mas mataas umano ng 20 ulit ang maternal mortality sa mga developing countries kumpara sa mga developed countries bunga ng matinding anemia na dahilan ng pagkamatay. Naniniwala siya na mababawasan ang maternal deaths at mahinang pag-iisip ng mga bata kung mapapababa o maaalis ang iron deficiency anemia. Sinabi nito na kailangan mahigpit na ipatupad ng pamahalaan ang ipinasang batas ang Kongreso na Republic Act No 8976 o Philippine Food Fortification Act of 2000 na nagtatakda sa DOH at NFA na tiyaking masustansya sa bitaminang iron at iba pa ang mga bigas na ibinibenta sa mga pamilihan. - GMANews.TV