Filtered By: Topstories
News

Pinakamalaking singsing


Alam nyo ba kung saang lalawigan sa Mindanao makikita ang itinuturing pinakamalaking singsing sa Pilipinas na sumisimbulo sa kapayapaan at pagiging sagana nito sa mineral gaya ng ginto? Sa talaan ng Guinness, sinasabing ang "Star of Taiba" na nasa Saudi Arabia ang itinuturing pinakamalaking gintong singsing sa buong mundo. Pero dito sa Pilipinas, ang pinakamalaking singsing ay matatagpuan sa Compostela Vally na tinawagan na “Solidarity Ring." Ang two-toned ring na nagkakahalaga ng P1.5 milyon ay pinasinayaan noong nakaraang taon ni Compostela Valley Gov. Arturo Uy sa isinagawang Bulawan Festival. Ayon sa mag-asawang Joel at Frellie Asis ng Glitterworks, na siyang nagdisenyo at gumawa ng singsing, ang Solidarity ring ay ginamitan ng 1.3 kilo ng pinaghalong ginto at pilak, at may diameter ng limang pulgada. Bukod sa pagsimbulo ng kapayapaan sa mga magkakalabang grupo noon sa pulitika na naging dahilan ng mga karahasan, layunin ng singsing na-ipromote ang lalawigan na kilalang mayaman sa mineral partikular ang ginto na makikita sa Mt Diwata. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Tags: pinoytrivia