Filtered By: Topstories
News

National Artist na mas kilala sa binaliktad niyang apelyido


Kilala niyo ba kung sino ang tinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura noong 2003 na mas kilala sa kanyang “pen name" o Nom de Plume na hango sa binaliktad niyang apelyido? Isinilang sa San Miguel, Bulacan noong Marso 1944, ang national artist na si Virgilio Senadren Almario, ay bunga ng pagmamahalan ng kanyang mga magulang na sina Ricardo Almario at Feliciana Senadren. Ngunit ang makata, manunulat, kritiko, manunuri, tagasalin, editor, guro, at dating opisyal Cultural Center of the Philippines (CCP) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA, ay mas kilala bilang si Rio Alma – na binaliktad na apelyido niyang Almario.

Larawan mula sa web site ni Virgilio "Rio Alma" Almario
Si Rio Alma ay tanyag sa larangan ng literatura sa paggamit ng wikang Filipino, at kabilang sa mga nauna niyang nilikha ay ang Makinasyon (Machination), Peregrinasyon (Piligrimage), at Ang Makata sa Panahon ng Makina, na koleksiyon ng kanyang mga kritisismo sa literaturang Filipino. Ilan naman sa mga isinalin at inedit ni Rio Alma ay ang obra ni Dr José Rizal na Noli Me Tangere at El filibusterismo, na itinuring ng Manila Critics Circle bilang isa sa mga pinakamahusay na pagsasalin sa wikang Filipino. Taong 1984 nang mahirang si Rio Alma bilang TOYM (Ten Outstanding Young Men) for literature. Sumunod na nito ang kanyang pamumuno sa Writers Union of the Philippines. Pinangunahan din niya ang paglikha ng UP Diksiyonaryong Filipino (2001). Bahagi rin si Rio Alma ng Adarna Books na lumilikha ng mga babasahing pambata, founding sec-gen ng Philippine Board of Books on Young People (PBBY), at naging publisher-editor ng Filipino Magazin at Diyaryo Filipino, isa o kundi man unang pahayagang broadsheet sa wikang Filipino. Si Rio Alma rin ang founder at workshop director Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo o LIRA, ang organisasyon ng mga manunula sa wikang Filipino. - Fidel R. Jimenez, GMANews.TV