Filtered By: News
News

Nauna pa sa ‘Jejemon’ at ‘Bekimon:’ Ang ‘Siyokoy’ sa wikang Filipino


Bago pa man sumulpot ang kakaibang pagbaybay at pagbigkas ng “Jejemon" at “BekiMon" sa mga salitang Filipino, may mga kataga tayong ginagamit na tinawag na “Siyokoy" ng isang kilalang manunuri at kritiko ng ating sariling wika. Sa librong "Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa," tinawag ni Virgilio “Rio Alma" Almario na “siyokoy" na mga salitang Pinoy na “hilaw" mula sa pagkakahiram sa wikang Espanyol o Ingles.
Si G. Virgilio "Rio Alma" Almario ay National Artist for Literature, editor, manunula, kritiko, literary historian, at guro.
Karamihan kasi sa mga salita sa ating wika ay hango sa lenguwahe ng Kastila at Amerika na kapwa sumakop sa ating bansa. Binabago ang pagbaybay nito para umakma sa ating wikang Filipino. Ngunit hindi katulad ng inimbentong salita ng mga alagad ng “Jejemon" at “BekiMon" na nagbibigay aliw sa ating mga Pinoy, kay Almario ay kinasusuklaman niya ang mga "edukado" na itinuturo niyang nasa likod ng pagsilang ng mga salitang “siyokoy." “Hindi naman permanente ang lenguwahe nila (Jejemon at Bekimon). Bahagi iyan ng tinatawag na cultured language, sinadya na hindi maintindihan ng lahat kaya pansamantala lang ‘yan," paliwanag ni Almario sa GMANews.TV sa panayam sa telepono. Samantalang ang mga salitang “siyokoy" ay gawa ng mga taong may pinag-aralan o edukado, na kaya kahit mali ay tumatak at tuluyang napasama sa ating mga binibigkas at naisusulat, paliwanag pa ng National Artist for Literature na si Almario. Ayon kay Almario, 1976 pa niya sinimulan ang krusada laban sa mga salitang “siyokoy." Pero sa paglipas ng panahon, lalo raw itong dumami sa halip na mabawasan. Patunay na mabigat daw ang labanan pagdating sa ating wika. Bokabularyong siyokoy
Tama ba ang pagbaybay at gamit ng salitang “kontemporaryo"? Ayon kay Almario, mali at isa itong salitang siyokoy. Paliwanag niya, kung ang “kontemporaryo" ay hiram sa wikang Espanyol na “contemporaneo," dapat itong baybayin at bigkasin na “kontemporane(y)o" o kaya naman ay “kontemporanyo." Siyokoy din umano ang salitang “aspeto" na hilaw na hango sa salitang Ingles na “aspect" o Espanyol na “aspecto." Kaya kung isinalin ito sa wikang Filipino, ang dapat umanong basa at salita nito ay “aspekto" Kung ang “president" sa Filipino ay “presidente," at “residente" naman ang “resident," tama bang “pesante" ang basa natin sa salitang Ingles na “peasant," na tumutukoy sa mga manggagawa sa bukid? Mali, ayon pa rin kay Almario. Paliwanag ni Almario, walang salitang “pesante" sa Espanyol at ang pinakamalapit na katunog nito ay “pesantez," na ang ibig sabihin ay tungkol sa “bigat." Ang katumbas na salita umano ng “peasant" sa wikang Espanyol ay “paisano" at hindi “pesante." Madalas din nating maengkuwentro ang salitang “prayoridad," na hilaw na hiram sa “priority" sa Ingles at “prioridad" naman sa Espanyol. Para kay Almario, mas tamang baybayin at bigkasin ito na “prayoriti" o “priyoridad." Ilan pa sa nabanggit sa libro ni Almario na salitang “siyokoy" ay ang “endorso" na higit na tama na “endoso;" ang “dayalogo" na dapat ay “dayalog" o kaya naman ay “diyalogo;" at ang “dayalekto" na dapat ay “dayalek" o “diyalekto." Ang mga edukado ang itinuturo ni Almario na may sala sa pag-usbong mga salitang “siyokoy" sa wikang Filipino. Sila kasi ay tinitingala at pinapaniwalaan ng mga karaniwang tao; nakikitang nagsasalita sa telebisyon, nadidinig sa radyo, at nababasa sa pahayagan. Sa paglipas ng panahon, asahan na marami pa tayong mga edukado na lilitaw. Marami pang salitang “siyokoy" ang uusbong at tiyak na maitatala si G Almario. At “siyokoy" man o hindi, ang mahalaga ay may isa tayong wika at nauunawaan ng mga Filipino ang kahulugan ng salitang lumalabas sa kanilang bibig para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan. Pahabol: Isang salita na madalas na banggitan ng mga mamamahayag lalo na ang nasa broadcast media (radyo at telebisyon) ay pinuna ni Almario -- ang “kaganapan." Ayon kay Almario, mali na gamitin ang salitang “kaganapan" sa paglalarawan ng mga nangyayari o nagaganap. Halimbawa: “ balikan natin ang mga ‘kaganapan’ sa Palasyo." Paliwanag ni Almario, ang “kaganapan" ay katumbas sa Ingles ng “fulfillment" o “completeness" at hindi dapat ituring “event." – Fidel R. Jimenez, GMANews.TV