Filtered By: Topstories
News

1 sa 2 suspek sa pagpatay sa ex-dzBB brodkaster at brgy captain sa Davao City, nadakip


Isa sa dalawang suspek sa pagbaril at pagpatay sa ex-dzBB brodkaster at barangay captain sa Davao City ang nadakip ng mga awtoridad. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News nitong Lunes, sinabing sinalakay ng mga pulis ang bahay ng magsasakang si Petronillo Demicillo sa Bagadihan, Davao City. Dalawang baril umano ang nakuha sa bahay ni Demicillo, na dating barangay police sa Brgy Lacson, na dating pinamumunuan ng biktimang si Aldion Layao. Ayon kay Police Sr. Insp. Jacy Jay Francia, hepe ng Calinan police station, dinakip si Demicillo dahil sa impormasyon na mayroon itong galit sa biktima. Aminado naman ang suspek na sama siya ng loob kay Layao pero hindi umano pumasok sa isip niya na paslangin ang biktima. Napag-alaman na si Demicillo ay naging tagasuporta ng nakalaban ni Layao sa nakaraang barangay elections. Ginamit daw ng biktima ang posisyon nito para madiin siya sa isang kasong robbery. Ipinaabot naman ni Demicillo sa misis ni Layao na si Rica, na naaawa siya sa sitwasyon nito pero iginiit niya na wala siyang kinalaman sa nangyaring krimen. Natural umano na may makaaway ang pinaslang na kapitan ng barangay dahil sa trabaho nito bilang brodkaster at pulitiko. Si (Aldion) Layao ay binaril at napatay ng dalawang suspek na nakasakay sa isang motorsiklo noong Abril 8 sa Brgy Lacson, Davao City. -- FRJ, GMA News