Filtered By: Topstories
News

China tumangging dalhin ang isyu ng Panatag Shoal sa int'l court


Tinanggihan ng gobyerno ng China ang imbitasyon ng Pilipinas na sumailalim sa international arbitration para maresolba ang territorial dispute sa Panatag (Scarborough) Shoal kung saan isang linggo nang namumuo ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa. Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) spokesman Raul Hernandez, nakatanggap sila ng impormal na ulat mula sa China na “rejected and dismissed” ang mungkahi ng Pilipinas na dalhin ang isyu sa International Tribunal on the Law os the Sea (ITLOS). Ang ITLOS, na isang independent judicial body, ay itinatag ng United Nations Convention on the Law of the Sea para ayusin ang mga alitang namumuo at lumalabag sa napagkasunduan ng Convention. Binubuo ito ng 21 independent members na hinalal dahil sa pagiging patas at kilala sa kanilang integridad at nalalaman sa batas sa karagatan. “From our point of view, a rejection of such invitation is actually saying that they are not prepared to validate their claims,” ani Hernandez sa panayam ng ANC nitong Huwebes ng umaga. Ang China Daily ang nag-ulat na tumanggi ang China sa alok ng Pilipinas. “The moves underscored Beijing’s determination to protect its maritime interests in response to Manila’s refusal to withdraw ships from Chinese waters,” ayon sa ulat. Sa kabila ng pagtanggi ng China, patuloy pa ring nananawagan si Hernandez sa gobyerno nito na ayusin ang isyu ng Panatag Shoal sa isang international forum. “If they are confident with their claims and their position, we are urging them to ITLOS and then show their papers and defend their position there,” aniya. Nagsimula ang pinakahuling alitan ng China at Pilipinas noong Abril 10 kung saan nakahuli ang Philippine Navy ng walong Chinese fishing boats na umano'y nanghuli at kumuha ng endangered marine species sa Panatag Shoal. Sa kabila nito, nabigong hulihin ng Philippine Navy ang mga mangingisda matapos sila harangan ng dalawang Chinese maritime vessels. Noong Sabado, naka-alis ng lugar ang Chinese fishing vessels na dala ang nahuli nilang endangered species. 'Pagtakas' ng Chinese na mangingisda Iginiit ni Hernandez na walang naganap na kasunduan sa pagitan ng China at Pilipinas kung saan maaari nang maka-aalis na sa lugar ang mga Chinese na mangingisda na dala ang kanilang mga huli. Ayon sa kanya, ipinaalam ito ni Philippine Charge’ d’affaires Alex Chua kay Chinese Vice Foreign Minster Fu Ying sa pagpupulong nila noong Linggo. “We tried to make it clear that there was no agreement at all and that we were still trying to negotiate the protocol and the arrangements on how they will leave. The problem is that they left and practically escaped from our site. They brought away with them the endangered species they took from our area,” ayon sa tagapagsalita ng DFA. Ayon sa UNCLOS, bahagi ang Panatag Shoal sa 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas. Kapwa miyembro ang Pilipinas at China sa UNCLOS, ngunit sa kabila nito, pinaniniwalaan ng China na sila ang tunay na sumasakop sa shoal. Nauna umano nila itong nadiskubre noong 13th century sa panahon ng Yuan Dynasty. Tinanggihan naman ng Pilipinas ang historial claim ng China. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News