Filtered By: News
News

Ilang ‘manok’ ni PNoy sa 2013 Senate race, wala sa ‘magic’ 12 ng bagong Pulse Asia survey


Kung ngayon gagawin ang halalan para sa mga kakandidatong senador, isa lamang sa apat na pangalang nabanggit ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na nais niyang makasama sa mga pambato ng administrasyon sa May 2013 elections ang papasok sa "magic 12." Sa isang pagpupulong sa Makati nitong Mayo, binanggit ni Aquino na nais niyang makasama sa senatorial ticket ng Liberal Party sina Aurora Rep Juan Edgardo “Sonny" Angara, Customs Chief Rozanno Rufino Biazon, dating Akbayan partylist Rep Risa Hontiveros-Baraquel at director general Joel Villanueva ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda). Ngunit batay sa pinakabagong survey na ginawa ng Pulse Asia nitong Mayo 20-26 para sa mga posibleng maging senatorial candidates sa May 2013 polls, tanging si Angara lamang ang nakapasok sa top 12. Sa survey, nasa 10-14 rank si Angara, habang nasa 13-21 rank naman si Biazon. Nasa malayong puwesto naman si Baraquel sa 22-27 rank, at sa 32-41 rank naman si Villanueva. Sina Biazon at Baraquel ay kapwa naging kandidato na rin ng LP sa senate race noong May 2010 elections pero natalo. Kabilang naman sa top 12 ng survey sina Senators Francis Escudero (1), Loren Legarda (2), Alan Peter Cayetano (3), Cagayan Representative Juan Ponce-Enrile Jr. (4), Transportation Secretary Mar Roxas III (5). Kasama rin sina Sens Gregorio Honasan (6), Aquilino “Koko" Pimentel III (7), San Juan Rep JV Ejercito (8), Sen Antonio Trillanes IV (9) at dating Sen Juan Miguel Zubiri (10). Pang-11 naman si dating Sen Richard Gordon, na sinundan ni Angara (12). Nakabuntot naman sina Ma Lourdes Nancy Binay (13), dating Las Piñas Rep Cynthia Villar (14) at dating Sen Jamby Madrigal (15). Kasama rin sa posibleng isabak ng LP sa senatorial race sina Justice Sec Leila De Lima, Quezon Rep Lorenzo Erin Tanada, Presidential Adviser for Environmental Protection Sec. Nereus Acosta. Bukod naman kay Villar at Cayetano, isasabak din ng Nacionalista Party sa May 2013 polls sina Cavite Jesus Crispin Remulla at dating Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers. Una rito, binuo nina Vice President Jejomar Binay at dating Pangulong Joseph Estrada ang tambalan nilang United Nationalist Alliance (UNA) para sa 2013 elections. Kabilang sa mga nababanggit na kandidato ng UNA sina Escudero, Cayetano, Enrile, Pimentel, Ejercito, at Zubiri. Sa survey ng Pulse Asia, nagkalagay ito ng mga pangalan at tinanong ang mga respondent: “Kung ang nasabing halalan sa 2013 ay isasagawa ngayon, sinu-sino sa mga sumusunod na personalidad ang inyong iboboto kung saka-sakaling sila ay kakandidato sa pagka-senador?" - FRJ, GMA News