Filtered By: News
News

Paniningil ng bayad para sa pag-ihi at pagdumi sa comfort room sa commercial areas, nais ipagbawal


Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong ipagbawal ang paniningil ng bayad sa paggamit ng comfort room sa mga commercial area tulad sa mga high-end malls. Sa House Bill 6183 o ang “Free Comfort Rooms Act of 2012," sinabi ni AVE party-list Rep. Eulogio “Amang" Magsaysay, na hindi makatwiran na singilin ng mga establisimyento – para umano sa maintenance – ang mga taong nais na gumamit ng palikuran. “The Constitution also promotes basic services to the underprivileged. Good infrastructure is a fundamental component in the proper delivery of basic social services and free and functional toilets are among them," paliwanag ng kongresista. Ilang malls sa Metro Manila ang naniningil ng P10 hanggang P20 bilang bayad sa bawat taong gagamit ng kanilang palikuran. Sa ilalim ng panukalang batas, nakasaad na ang mga lalabag ay pagmumultahin P10,000 sa first time offenders, at isang taong pagkakakulong at P20,000 multa sa ikalawang paglabag. “Waiving these fees gives solution to the shortage of our public comfort rooms. It also fills the inadequacy of current ordinances on the same, which are made for specific groups of people particularly persons with disabilities (PWD) and senior citizens," paliwanag ni Magsaysay. Ang Department of Interior and Local Government (DILG) at local government units (LGUs) ang inatasang magpatupad at sumubaybay sa panukala. Binigyan-pansin ni Magsaysay, na malaki ang bilang ng kakulangan ng palikuran sa Pilipinas kaya dapat na dagdagan. - RP/FRJ, GMA News