Filtered By: Topstories
News

Radio announcer sa Pangasinan, pinatay sa taga at saksak


Isang radio announcer ang nakitang patay sa isang palayan sa Tayug, Pangasinan. Nagtamo ito ng mga saksak sa katawan at may taga pa umano sa mukha. Sa ulat ni GMA-Dagupan reporter Maureen Galapon sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Rizalino Salinas, announcer ng Radyo ng Bayan. Sa tulong naman ng saksi, dalawang suspek ang nadakip at isa rito ay napag-alaman na menor de edad. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Police Chief Insp. Gaspar Dacpano, hepe ng Tayug police, lumitaw na pinatay ang biktima sa isang kubo. May nakita umanong bakas ng dugo sa bukid kung saan natagpuan ang katawan ni Salinas. Nang sundan ang mga dugo, umabot ang mga awtoridad sa isang kubo kung saan nakita rin ang ilang gamit na puno ng dugo tulad ng kumot. Paniwala ni Dacpano, may plano ang mga suspek na itago ang ginawa nilang krimen. Lumitaw na magkakasamang nag-iinuman ang mga suspek at biktima bago naganap ang krimen. Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang mga ito na humatong sa pagpatay kay Salinas. - FRJ, GMA News