Filtered By: Topstories
News

Kasambahay na nagipit daw sa utang, ninakawan ang kanyang amo sa Davao City


Nahaharap sa kasong pagnanakaw ang isang kasambahay at kanyang ka-live-in matapos na nakawin umano ang mga alahas ng kanyang amo na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon sa Davao City. Sa ulat ni John Paul Seniel ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabing nagkakahalaga ng P1.2 milyon ang mga alahas na nawala sa bahay ng mag-asawang Gerry at Lucy Garay sa Brgy. Dumoy, Davao City. Nagkaroon daw ng hinala ang mag-asawa na may kinalaman sa nakawan ang kanilang kasambahay na si Nimfa Salbame dahil nawala rin ito nang araw na mawala ang mga alahas. Pagkaraan ng isang linggo, bumalik umano si Salbame at isinuplong nila ito sa pulisya para maimbestigahan. Ayon kay P/Supt. Edilberto Leonardo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Gruop (CIDG-Region XI), inamin ni Salbame na siya ang kumuha sa mga alahas na isinangla niya sa iba't ibang pawnshop. Isang kuwintas ang nakuha kay Salbame at isang porselas naman ang nakuha sa sanglaan. Nadakip din ang ka-live-in ni Salbame na si Hipolito Vigonte na kasabwat umano sa pagnanakaw. Ayon kay Vigonte, sinabi sa kanya ni Salbame na kailangan nito ng pambayad sa mga utang. Labis naman ang pagkadismaya ni Gng. Garay dahil hindi niya inasahan na pagnanakawan siya ni Salbame na kamag-anak pa niya. - FRJ, GMA News