advertisement
Filtered By: News
News

Tambakan ng basura sa Rodriguez, Rizal gumuho; ilang tao, pinapangambahang natabunan


Ilang tao ang pinapangambahang natabunan nang gumuho ang isang bahagi ng tambakan ng basura sa Rodriguez, Rizal nitong Biyernes. Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes ng gabi, sinabing kaagad na nagtungo sa lugar ng insidente ang search and rescue teams para hanapin ang mga taong posibleng natabunan ng mga basura. Sa hiwalay na ulat sa GMA News TV's State of the Nation, inihayag naman ni GMA News reporter Dano Tingcungco na ang landfill ay pinamamahalaan ng Swims International. Sinabi ni Nineta Baet, residente sa lugar, na dalawang tiyuhin niya ang mga kabilang sa natabunan ng mga basura. Basahin: Mina triggers fatal avalanche of garbage in Baguio City Nagiging balakid naman sa isinasagawang search and rescue operation ang pagiging madilim sa lugar at pangambang may bahagi pa ng bundok ng basura ang gumuho. Nakapuwesto ang landfill sa tabi lang ng quarrying site sa bayan ng San Isidro. Ayon sa ilang residente, nakarinig sila ng malakas na bagsabog bago naganap ang "trash slide." Noong July 2000, mahigit 200 katao ang nasawi sa pagguho ng tambakan ng basura sa Payatas, Quezon City. Lima naman ang nasawi sa trash slide na nangyari sa tambakan ng basura sa Baguio City noong Agosto 2011. - FRJimenez, GMA News
LOADING CONTENT