advertisement
Filtered By: News
News

Gov. Vilma Santos, aminadong hindi magiging madali na gawing 'Filipinas' ang 'Pilipinas'


Ngayong Buwan ng Wika, muling nabuhay ang usapin sa pagpapalit sa baybay ng "Pilipinas" tungo sa "Filipinas." Maging ang actress-politician na si Batangas Governor Vilma Santos-Recto, suportado na "F" sa halip na "P" ang baybay sa pangalan ng bansa.
 
Sa ulat ni Jaimie Santos sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, muling iginiit ng National Artist at pinuno ng Komisyon ng Wikang Filipino, na si Virgilio Almario, na "Filipinas" ang tamang baybay sa pangalan ng bansa at hindi ang kasalukuyang "Pilipinas."
 
Hiningi pa ni Almario ang suporta ni Gov. Vilma para sa isulong ang pagbabago sa baybay ng "Pilipinas."

Paliwanag ng opisyal, naging "P" lamang ang baybay sa pangalan ng bansa dahil wala pa noong "F" sa alpabetong abakada.



Pero ngayong pinayagan na at mayroon ng "F," dapat na umanong ibalik sa orihinal na baybay ang pangalan ng bansa na "Filipinas."
 
Dati nang isinusulong ng komisyon na mapalitan ng "Filipinas" ang "Pilipinas" pero may ilan na hindi pumayag dito.

Sa tulong ni Gov. Vilma, muling binuhay ng komisyon ang kanilang kampanya.

Magsisilbing endorser ng komisyon ang actress-politician para baguyin ang baybay ng ilang mga salitang nagsisimula sa letrang "P" gaya ng Pilipinas at Pilipino.

Aminado naman si Gov. Vilma, hindi magiging madali para sa marami ang pagbabagong ito.

"Alam kong hindi madali ito kasi unang una yung mga aklat natin, yung mga libro ng mga elementarya 'yan ang gamit natin, 'yan ang nakasulat," aniya.

May draft bill na raw na ginawa ang komisyon para ilapit sa mga mambabatas.

Pero tutol ang mga propesor at institusyon sa Unibersidad ng Pilipinas sa mungkahing palitan ng "Filipinas" ang "Pilipinas" bilang opisyal na pangalan ng bansa.

Sinasabing paglabag daw ito sa 1987 Constitution ng bansa.

"Hindi siya simpleng salita. Pangalan siya na may kadikit na identidad. Instrument, naintindihan pero ang sentiments iba," ani Dr. Jovy Peregrino, dating direktor; Sentro ng Wikang Filipino, UP Diliman.

Ilang estudyante rin na nakausap ng GMA News ang hindi pabor sa pagpapalit ng pangalan ng bansa dahil sa pangambang magdulot ng kalituhan. -- FRJimenez, GMA News
LOADING CONTENT