advertisement
Filtered By: News
News

Ipinadalang pera para sa lalaki sa Bulacan, nakuha ng kapangalan sa Cebu


Dobleng ingat ang dapat gawin ng mga nagpapadala ng pera sa pamamagitan ng courier. Sa Bulacan, isang lalaki ang nawalan ng P14,000.00 matapos makuha ang nasabing padalang pera sa sangay ng isang money remittance center sa Cebu.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing laking gulat ng taga-San Rafael, Bulacan na si Gilbert de Guzman nang malaman nito na may nakakuha na sa perang ipinadala sa kaniya ng kaibigang taga-Quezon City sa pamamagitan ng LBC Express Padala.

Ayon kay De Guzman, ang P14,000.00 ay inutang lang niya sa kaibigang si Jonathan Pascual.
 
Sinabihan umano si De Guzman na may kumuha na ng pera niya sa branch ng LBC sa Mandaue, Cebu na katulad ng kaniyang pangalan.

"Ang prinesent niya pong ID is De Guzman, Gilbert Paleto po yata, P yung middle initial.  V [na] victory po yung middle initial ko," ayon sa biktima.



"Hiniram ko lang siya [pera] tapos kailangan ko siyang bayaran pero 'di ko naman na-receive," hinanakit niya.

Palaisipan ito sa magkaibigang De Guzman at Pascual dahil sila lang naman ang nakakaalam ng tracking number ng kanilang transaksyon.

Tinawagan nila ang branch na nag-release ng pera pero walang sumasagot.

"Mahirap din kasi hard-earned money... paano sila makakapag-release ng pera ganun kalaking halaga nang ganun-ganun lang," ayon kay Pascual, nagpadala ng pera.

"Sana ibalik nila yung pera, iyon lang naman, siyempre hindi naman natin pinupulot ang pera," giit ni De Guzman.
 
Aminado naman ang LBC, na hindi ito ang unang pagkakataon na may natanggap silang ganitong reklamo.

Iniimbestigahan na raw nito ang insidente.

Tiniyak din nila na masusing nasusunod ang kanilang security procedure na hingin muna ang kaukulang ID at resibo bago mag-release ng pera.

"Kung 'yan po talaga ay kasalanan ng LBC dapat po accountable ang LBC," ayon kay Virna Venturanza, Global Corporate Communication ng LBC nang makapanayam sa telepono.

"Kailangan pong maresolve at imbestigahan muna yung case kasi may tracking naman po 'yan sa LBC," dagdag niya.

Handa naman daw ang LBC na ibalik ang nawalang pera. -- FRJimenez, GMA News
LOADING CONTENT