Filtered By: News
News

COA chief: P65.1M mula sa DAP, ibinalik namin sa kaban ng bayan


Ibinalik kamakailan lamang ng Commission of Audit sa kaban ng bayan ang P65.1 milyon galing sa pondo ng Disbursement Acceleration Program na natanggap nito noong 2011 mula sa  Department of Budget and Management.

Sa isang panayam, inilahad ni COA Chairperson Grace Pulido-Tan na nanggaling ang P65.1M na kanilang ibinalik sa Bureau of Treasury (BOT) sa kabuuang P136.5 milyon na ibinigay ng DBM.

Dagdag pa niya, nakalaan sana ang perang iyon sa information technology upgrade at sa pag-hire ng karagdagang mga eksperto sa paglilitis.

“Yes, we we're given money, under the Disbursement Accelaration Program [DAP].... So sa tatlong items naming iyan ginastos sa IT, which is software and hardware development. And then we also used a little part of it for CCTV including in the regions and then yung (hiring ng) mga litigation lawyers,” ani Tan.

Noong ika-1 ng Abril, idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang ilang bahagi ng DAP.

Iginiit naman ni Tan na noong bumalik siya sa pwesto bilang COA Commissioner noong 2011, malaki ang pangangailangan ng tanggapan ng mga abogado para sa paglilitis dahil sa mataas na bilang ng backlog sa cases at outdated na ang computer units at systems, na siyang nagiging dahilan ng mahirap ng pagkalap at pagsubaybay sa mga dokumentong ebidensya sa anumang mga kaso.

Ayon pa sa commissioner, “Kasi nung pumasok ako nung 2011, April palang pero halos wala nang pera. We have thousands and thousands of backlog in cases, some dating back to 2006, 2005, so we needed to move them.... May computers kami na floppy disk pa [ang ginagamit na storage].”

Noong 2012 lang aniya nila nalaman na galing sa DAP ang budget na inilabas ng DBM.

“Kasi when we were asking (for budget for the project) we didn't know na may DAP pala. But you know, it's over and done with at nakapagsilbi naman, nakatulong naman sa komisyon so maraming salamat at kahit papaano ay nabigyan kami.”
 
“May naiwan pa na P65.1 million and although obligated, meaning naka-earmark na yun, 'di bale na, binalik nalang namin,” dagdag pa niya. — Bianca Rose Dabu  /LBG, GMA News
LOADING CONTENT