advertisement
Filtered By: News
News

Ilang celebrities, kasama sa survey list ng posibleng senatorial candidates sa May 2016 polls


Kabilang ang ilang celebrities sa mga lumutang na pangalan sa pinakabagong survey ng Pulse Asia survey nitong Setyembre na mga posibleng maging kandidatong senador sa gaganaping halalan sa 2016.
 
Batay sa survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Sept 8-15, lumitaw na kung ngayon gagawin ang halalan, pasok sa tinatawag na winning circle ng 12 senador na pipiliin ang actor-politicians na sina Sen. Tito Sotto at Batangas Gov. Vilma Santos-Recto.
 
Nasa unang puwesto ang "Eat Bulaga" co-host na si Sotto, habang pang-pito naman si Gov. Vilma, na nasa kaniyang huling termino bilang gobernador ng lalawigan.

Basahin: Binay slides, Roxas climbs in latest poll on 2016 presidentiables
 
Lumutang din ang pangalan ni Gov. Vilma sa listahan ng mga pinagpilian bilang kandidatong bise-presidente ng bansa.
 
Pero hindi gaya ng senador na 12 ang puwedeng iboto, sa posisyon ng bise presidente ay isa lang, katulad ng posisyon ng pangulo.
 
Kasama ni Gov. Vilma sa listahan ng mga pinagpilian sa posisyon ng bise presidente ang mga actor-politicians na sina Sens. Jinggoy Estrada at Bong Revilla Jr.
 
Kapwa nakakulong sina Estrada at Revilla dahil sa kinakaharap na kasong plunder sa Sandiganbayan.
 
Sa nakaraang mga panayam, sinabi ni Gov. Vilma na hindi pa niya iniisip ang halalan sa 2016 at nais muna niyang tapusin ang kaniyang termino bilang gobernador ng lalawigan.
 
Sa listahan ng mga posibleng maging senatorial candidates sa 2016, lumabas din ang mga pangalan nina Saranggani representative at Pambansang Kamao Manny Pacquiao, at Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.
 
Si Dingdong ay hinirang ni Pangulong Noynoy Aquino III bilang commissioner-at-large ng National Youth Commission.
 
Nasa ranking o puwesto ng senatoriable si Pacquiao na "11-16," habang nasa "28-30" naman si Dingdong. 

Nauna nang sinabi ni Vice President Jejomar Binay, kakandidatong pangulo sa 2016, na nais niyang isama sa listahan ng kaniyang mga kandidatong senador si Pacquiao.
 
Ilan pa sa mga celebrity na nasa listahan ay sina Manila Vice Mayor Isko Moreno ("16-23"), Cavite Representative Lani Mercado-Revilla ("17-25"), dating direktor at ngayon'y Taguig Representative Lino Cayetano ("14-18"), at dating aktor na si Mark Lapid ("24-27"), at Kapuso broadcaster Arnold Clavio ("30-37"). -- BRDabu/FRJ, GMA News



LOADING CONTENT