Filtered By: Topstories
News

Mga selfie ng isang lalaki, iligal daw na ginamit para magbenta ng produkto sa Internet


Apat na larawan ng isang lalaki ang iligal na kinuha sa kanyang social media account ng isang networking company upang gamitin para sa online promo, ayon sa ulat ng Imbestigador ng Bayan sa "24 Oras" nitong Lunes.
 
Nagsumbong si Mach Cadavos sa Imbestigador matapos mapag-alamang ginamit ng AIM Global Network ang kanyang mga selfie bilang bahagi ng pagbebenta ng kanilang anti-acne soap.
Kwento ni Cadavos, “Ginamit nila 'yung pictures ko. They posted it on Facebook nang hindi sila nag-ask ng consent from me. Mare-recognize nila na ako 'yung nasa photo and makikita talaga nila 'yung before and after.”
 
Nag-post lamang ng mga larawan ang biktima sa social networking site upang ipakita ang problema niya sa acne o matitinding tigyawat at ang karanasan niya sa pagtitiyagang mapagaling ang nasabing problema.
 
Bukod sa paggamit ng kanyang mga larawan nang walang pahintulot, masama rin ang loob ni Cadavos dahil binanggit pa sa post na ginagamit niya ang sabon na ineendorso ng kompanya.
 
“Ibang soap 'yung ginamit ko, hindi sa AIM Global. Dinadaya nila 'yung consumers nila.”
 
Ayon sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation, malinaw na paglabag ito sa RA 10175 o Anti-Cybercrime Law. 
 
“May civil liability 'yung kompanyang nag-upload at gumamit ng photograph na 'yun for commercial purposes dahil walang consent 'yung taon nag-appear sa photograph na 'yun,” paglilinaw ni Victor Lorenzo, Executive Officer ng Cybercrime Division – NBI
 
Dagdag pa rito, nilabag rin ng kompanya ang RA 7394 o The Consumer Act of the Philippines. “Nagbo-border kasi sa Consumer Act, at the same time, sa estafa and swindling. If you promote a product at wala naman katotohanan ang pinagsasasabi mo, that will constitute deceit.”
 
Nagsampa na ng kasong computer-related forgery si Cadavos laban sa kompanya sa ilalim ng Anti-Cybercrime Law.
 
Samantala, itinanggi naman ng AIM Global Network ang pagkakasangkot nila sa insidenteng ito. Iginiit ng kompanya na wala silang kinalaman sa Facebook account na iligal na kumuha at gumamit ng larawan ng biktima bilang isang bentahe sa produktong ineendorso.
 
“The alleged AIM Global Network Facebook account is not the official Facebook account of the company. The company has no participation whatsoever in the creation and administration of the saod account. The consent of the company was never sought with respect to the creation of the said account, much less to the posting in question,” ayon sa kompanya sa isang pahayag na ipinadala sa GMA News. —Bianca Rose Dabu/JST/ELR, GMA News