Filtered By: News
News

3 uri ng coins na limited edition, inilabas ng BSP


Ilalabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas ngayong kapaskuhan ang tatlong limited edition commemorative coins na P5 at P10.

Sa ulat ni Ruth Cabal sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing ang mga limited edition commemorative coins ay kinabibilangan ng P5 na may disensyo ng mga bagong bayani overseas Filipino workers.

Mayroon ding bagong P5 para naman sa 70th anniversary ng Leyte landing, at ang P10 para sa ika-150 taon ni Apolinario Mabini.

Ang mga nagbabalak na magbigay ng aguinaldong pera, maganda raw pamalit sa malutong na papel ang bagong coins na limitado lang ang bilang na ilalabas.

Ayon sa ulat, 30 milyon lang ang ilalabas na commemorative coins kumpara sa kabuuang 22 bilyong piraso ng mga baryang nasa sirkulasyon ngayon.



Sa Lunes puwede magpapalit ng bills o lumang coins sa mga bagong commemorative coins sa parehong halaga sa mga opisina ng BSP at ilang bangko.

3 araw lang bukas ang bangko
 
Samantala, simula sa susunod na linggo, tatlong araw lang bukas ang mga bangko hanggang sa bagong taon.

Dahil maraming araw na holidays sa susunod na dalawang linggo, magkakaroon lamang ng transaksiyon sa mga bangko sa Disyembre 22, 23, at 29.
 
Pero tiniyak ng BSP at mga bangko na napaghandaan nila ang mahabang holiday.

Patuloy naman daw ang ATM operations sa loob ng holiday period. -- FRJ, GMA News