Filtered By: Topstories
News

Nag-upload sa Facebook ng viral video ng Mamasapano clash, natukoy sa Davao


Ipinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Davao Region ang lalaking pinaniniwalaang nag-upload ng video ng engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao. Pero giit ng lalaki, hindi siya ang may kuha ng video at nakita din lang daw niya ito sa internet.

Sa ulat ni Tek Ocampo ng GMA-Davao sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Miyerkules, ipinaliwanag ng isang opisyal ng NBI kung papaano nila natukoy ang lalaki na itinago sa pangalang "Yan-yan."

"We conducted 'yung mga online surveillance tapos may proper coordination kami to trace kung saan 'yung general location...Nanggaling ang general location niya dito sa Davao, dun namin inumpisahan," ayon kay Victor Lorenzo, executive officer, cybercrime division, NBI-Region XI.



Ang imbestigasyon ay bunga ng video na naging viral sa internet kung saan makikita ang pagbaril at tuluyang pagpatay sa sugatang kasapi ng Special Action Force ng Philippine National Police sa naganap na sagupaan sa Mamasapano noong Enero 25.

Nakita rin sa video ang ginawang pagnanakaw sa mga gamit ng nasawing SAF troopers.

Inamin naman ni "Yan-yan" na siya ang nag-upload ng video sa Facebook pero hindi raw siya ang nagmamay-ari o kumuha ng video.

"Kinuha ko lang din 'yon sa Facebook. Pag-post ko nun parang ako ang naging original na nag-upload pero may mas nauna pang nag-upload nun," paliwanag niya.

Pinagsisisihan daw ni "Yan-yan" ang ginawang pag-upload ng video. Pero nanawagan din siyang itigil ang mga masasamang komento tungkol sa kaniya at pamilya niya.

Kasabay nito, tiniyak ni "Yan-yan" na makikipagtulungan siya sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad. -- FRJ, GMA News