advertisement
Filtered By: News
News

Napoles, hinatulang makulong sa kasong illegal detention


Hinatulan ng gulity ng Makati Regional Trial Court Branch 150 nitong Martes ang negosyanteng si Janet Lim Napoles sa kinakaharap na kasong serious illegal detention na isinampa ng kampo ng pork barrel whistleblower na si Benhur Luy.
 
Kaugnay nito, hinatulan ng korte si Napoles ng reclusion perpetua, o pagkakakulong nang hanggang 40 taon. Pinagbabayad din siya ng P50,000 para sa moral damages at P50,000 sa civil damages.
 
Si Napoles at kapatid nitong si Reynald Jojo Lim ay kinasuhan dahil sa ginawang pagdetine umano sa kanilang pinsan at dating empleyado na si Luy sa loob ng tatlong buwan.
 
Nasagip si Luy ng mga awtoridad noong Marso 2013, na idenitine umano ni Napoles makaraan nitong matuklasan na nakakuha ito ng P5.5-milyon loan gamit ang kaniyang pangalan nang wala niyang pahintulot.
 
Inakusahan din ni Napoles si Luy na nagnakaw umano sa kaniya ng P300,000 na dapat daw idiniposito sa kaniyang account.

Pero giit ng kampo ni Luy, idinetine ni Napoles ang pinsan para hindi nito isiwalat ang nalalaman sa mga iligal na transaksiyon ng negosyante. Kabilang dito ang umanong pagkikisabwatan sa ilang mambabatas gamit ang mga pekeng foundation para pagkitaan ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na umaabot sa P10 bilyon.

Kasunod nito, naging pangunahing whistleblower sa pork barrel scam at naging testigo si Luy ng gobyerno sa pagsasampa ng kasong graft at plunder laban kay Napoles at ilang mambabatas na isinampa sa Sandiganbayan.
 
Noong Agosto 2013, ipinaaresto si Napoles at si Lim kaugnay ng kasong illegal detention case.

Sumuko si Napoles makaraang ng ilang linggong pagtatago, habang patuloy na nakalalaya ang kaniyang kapatid. -- FRJ, GMA News
Tags: janetnapoles
LOADING CONTENT