Filtered By: Topstories
News

Pagkakabitak-bitak ng lupa sa isang barangay sa San Carlos, Pangasinan, palaisipan


Nagdulot ng pangamba sa mga residente sa isang barangay sa San Carlos city, Pangasinan ang dumaraming bitak sa lupa na hindi pa mabatid kung saan nagmula.

Sa ulat ni Alfie Tulagan ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing nakita ang mahabang bitak sa lupa sa likod ng isang paaralan sa barangay Balite Sur sa nabanggit na lungsod.



Lumabas daw ang mga bitak matapos ang malakas ng pag-ulan noong nakaraang linggo.

Ayon kay Raul Bautista, principal ng Balite Sur Elementary School, mahaba at malawak ang sakop ng bitak na umabot din sa ilang kabahayan.

Nang unang makita raw ang mga bitak, sinukat ng mga residente ang lalim nito gamit ang kawayan na dalawang 2 metro ang haba.

Halos nakalahati raw ng kawayan ang naging lalim ng bitak.

Bilang pag-iingat, sinabi ni Bautista na inabisuhan na nila ang mga mag-aaral na huwag magpunta sa mga lugar na mayroong bitak.

Maging ang ilang bahay sa paligid ng paaralan, nakitaan na rin ng mga bitak.

Sinabing nagsagawa na ng pagsusuri ang City Disaster Risk Reduction & Management Council ang lugar pero hindi nila matiyak ang sanhi ng pagkakabitak-bitak ng lupa.

Base sa hazard map ng lungsod, wala namang fault line sa lugar. Dudulog umano ang lokal na pamahalaan sa mga eksperto tulad ng Phivolcs para aalamin kung posibleng sinkhole o soil erosion ang dahilan ng mga bitak sa lupa. -- FRJ, GMA News