Filtered By: News
News

Sinalihang beauty pageant ni Imelda Marcos na naging kontrobersiyal


Alam ba ninyo kung anong beauty pageant na sinalihan ng dalaga pa noong si Imelda Romualdez Marcos ang nagkaroon ng kontrobersiya dahil dalawa ang idineklarang kinatawan ng lungsod sa mas malaking pageant na Miss Philippines?

Bukod sa titulong "Rose of Tacloban" at "Miss Leyte" na nakamit ng dalaga pa noon na si Imelda, sumabak din siya sa beauty pageant na Miss Manila noong 1953, na ang mananalo ay kakatawan sa lungsod para sa Miss Philippines pageant.

Naging kontrobersiyal ang 1953 Miss Manila dahil bukod kay Imelda, idineklara ring kinatawan ng Maynila sa Miss Philippine si Norma Jimenez.

Nakalaban nina Imelda at Norma sa korona ng Miss Philippines ang iba pang mga kandidata na kinatawan mula sa ibang lalawigan.

Sa huli, ang tubong Tarlac na si Cristina Galang ang itinanghal na Miss Philippines, at ang kaniyang naging escort ay ang kababayan at binata pa noon na si Ninoy Aquino Jr.,  ang ama ni Pangulong Benigno Aquino III.

Hinirang naman ng lungsod na "Muse of Manila" si Imelda, at sa sumunod na taon, May 1, 1954 ay ikinasal na siya sa namayapang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.-- FRJ, GMA News
Tags: pinoytrivia