Filtered By: Topstories
News

Andal Sr., inilibing sa kanilang mansion sa Maguindanao


Inilibing na nitong Sabado sa kanilang mansion sa Shariff Aguak, Maguindanao si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr., isa sa mga pangunahing akusado sa binansagang Maguindanao massacre.

Ayon kay GMA News stringer Ferdinandh Cabrera, dakong 2:45 p.m. nang matapos ang burial ceremonies sa dating gobernador na pumanaw nitong Biyernes ng gabi sa National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City.

Ilang araw na-comatose si Andal Sr., dahil sa komplikasyon dulot ng sakit nitong cancer.



Nitong Sabado, inilipad kaagad ang kaniyang mga labi patungong Mindanao para mailibing. Sa tradisyon ng mga Muslim, dapat mailibing ang pumanaw sa loob ng 24 oras matapos itong bawian ng buhay.

Ayon kay Cabrera, hindi na pinayagan ang mga mamamahayag na makapasok ng mansion bilang kahilingan ng mga Ampatuan para kanilang privacy.
 
Nag-abang naman sa loob at labas ng mansion ang mga kaanak at tagasuporta ng mga Ampatuan sa pagdating ng mga labi ni Andal Sr.
 
Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ni Atty. Salvador Panelo, abogado ng mga Ampatuan, na hindi pinayagan ng korte na makalabas ng kulungan para makipaglibing ang iba pang Ampatuan na nakapiit at akusado rin sa 2009 Maguindanao massacre.

“Hindi. Yung kaniyang mga labi ay idinaan na sa Bicutan kaninang madaling araw para makapagbigay-galang sila, yumakap, humalik sa kanilang ama. At pagkatapos ay dinala na sa airport ['yung mga labi],” ayon kay Panelo.

Kabilang sa mga nakakulong kaugnay ng kaso ang mga anak ni Andal Sr., na sina Andal Jr., at Zaldy Ampatuan.

Pinayagan naman ng korte na makapagpiyansa at pansamantalang makalaya ang isa pang anak ni Andal Sr., na si Sajid Islam Ampatuan. -- FRJ, GMA News