Filtered By: Topstories
News

Mga 'nagtataksil' sa asawa, ibibisto raw ng mga nang-hack sa isang dating website


Nagbanta ang mga nang-hack sa isang dating website na ilalabas nila ang mga impormasyon ng may 37 milyong kliyente nito na nagtataksil sa kanilang mga asawa. Kabilang umano rito ang detalye ng credit card, mga hubad na larawan, at maging ang mga makamundong pantasya ng mga ito, ayon sa ulat ng Reuters.

Batay umano sa KrebsOnSecurity blog, sinabi sa ulat ng Reuters, na kinumpirma ng Avid Life Media, ang Canadian parent ng dating website na AshleyMadison.com, na may nakapasok sa kanilang sistema.

Na-secure na umano ang website at nakikipagtulungan na sila sa mga awtoridad para matukoy kung sino ang mga nasa likod ng hack attack na nagpakilalang "The Impact Team."
 
Pinabulaanan din ng Avid Life ang banta ng mga hacker na hindi kayang alisin ng "paid delete" function ang mga impormasyon tungkol sa profile at communication ng mga miyembro ng website. Dahil sa nangyari, sinabi ng Avid Life sa isang pahayag na libre nilang iniaalok ang naturang "function."
 
Bagaman hindi pa nakukunan ng komento ang mga opisyal ng kumpanya, sinabi sa KrebsOnSecurity ni Avid Life Chief Executive Noel Biderman, na may pinaghihinalaan na sila kung sino ang posibleng nasa likod ng pag-atake na mayroong umanong access sa kanilang internal networks.

"It was definitely a person here that was not an employee but certainly had touched our technical services," anang opisyal.
 
Sa screen grab na ipinakita sa KrebsOnSecurity blog, ipinagmalaki ng The Impact Team na kontrolado raw nila ang Avid Media systems, kabilang na ang customer databases, source code, financial records at emails.
 
"Shutting down AM (Ashley Madison) and (affiliated website) EM (Established Men) will cost you, but non-compliance will cost you more," ayon sa mga hacker.
 
Iniulat naman ng Kerbs na naglabas umano ng ilang detalye ang mga hacker sa nakuhang impormasyon sa website at nagbanta sila na kung hindi aalisin ang AshleyMadison at EstablishedMen, ay isasapubliko nila ang pangalan ng MGA kliyente ng ito, nude photos, credit card details at kanilang "secret sexual fantasies."
 
"We apologise for this unprovoked and criminal intrusion into our customers' information," ayon sa Avid Life.
 
Una rito, napasok rin ang sistema ng isa pang dating website na Adult FriendFinder na tinatayang mayroong 64 milyong miyembro.

Noong 2014, naging kontrobersiyal sa Pilipinas ang website ng Ashley Madison na may slogan na, "Life is short. Have an affair." (Basahin: DOJ seeks to block adultery website Ashley Madison)Reuters/FRJ, GMA News