Filtered By: Topstories
News

Itiniwalag na si 'Angel' Manalo, nanawagan ng suporta sa mga kasamahan sa Iglesia Ni Cristo


Nagsalita na si Felix Nathaniel "Angel" Manalo, ang itiniwalag na kapatid ng executive minister Eduardo Manalo ng Iglesia ni Cristo nitong Biyernes ng madaling araw. Nanawagan ito sa kanilang mga kasamahan na magpunta sa compound na kinaroroonan nila sa Tandang Sora, Quezon City para mag-vigil at protektahan ang kanilang doktrina ng Bibliya na binabago umano ng mga taong nakapaligid sa kaniyang namumunong kapatid.


 
Sa panayam ng media daking 1:00 a.m. nitong Biyernes sa Manalo compound, itinanggi ni Angel na may nagaganap na hostage-taking sa kinaroroonan nila. Ito ay makaraang lumabas nitong Huwebes ng umaga mga nakapaskil na mensahe sa bintana sa kanilang tinutuluyang compound.
 
Paliwanag ni Angel, posibleng ang kasama nilang bata ang gumawa ng mga mensahe at nagpaskil sa bintana.

"Wala dito. Ang abduction sa labas...May bata (kami) na kasama na nahihirapan...batang kasama na nagbibiro," aniya.
 


Gayunman, nanindigan si Angel na may banta sa kanilang buhay mula umano sa Sanggunian ng Iglesia ni Cristo, at gayundin ang nangyaring pagdukot sa ilan nilang kasamahan.
 
Inakusahan din niya na may nagaganap na katiwalian sa paggamit ng pondo ng kanilang simbahan.
 
Nilinaw naman ni Angel na mahal niya at hindi niya kinakalaban ang kapatid niyang si Eduardo pero hindi raw ito dapat makinig sa mga taong nakapaligid sa kaniya.
 
Kabilang sa binatikos ni Angel ang pagpapatayo ng mga gusali, katulad ang Philippine Arena na kumain umano sa pondo ng Iglesia Ni Cristo sa halip na gugulin sa pagpapagawa ng mga bagong simbahan.
 
Nanawagan si Angel sa kanilang mga tagasuporta na puntahan sila at mag-vigil para protektahan ang kanilang doktrina na binabago umano ng mga taong nakapaligid sa kanilang kapatid na si Eduardo.
 
"Nanawagan kami sa kapatid na manindigan at huwag matakot," ani Angel.
 
Walang katotohanan, kasinungalingan
 
Matapos ang panayam kay Angel, nagsalita at pinasinungalingan ni Edwin Zabala, tumatayong tagapagsalita ng Iglesia Ni Cristo, ang mga sinabi ng kapatid ng kanilang pinunong si Eduardo.

Giit ni Zabala, umaga pa lang ng Huwebes ay puro kasinungalingan na umano ang ginagawa ni Angel kaya nagpasya ang kanilang pamunuan na itiwalag ito.

Binigyan-pansin ni Zabala ang paliwanag ni Angel tungkol sa mga mensahe na ipinaskil sa bintana ng compound na sinasabing gawa ng bata na lumikha umano ng maling akala sa sitwasyon sa lugar.

Kinuwestiyon din niya kung bakit hindi pinapasok ni Angel sa bahay ang mga pulis kung wala itong itinatago.



Paglilinaw pa ng tagapagsalita ng INC, walang katotohanan na nauubos ang pondo ng kanilang simbahan. Katunayan, may mga bagong kapilya umano ang kanilang naipatayo sa loob at labas ng Pilipinas habang ginagawa ang Philippine Arena. Kabilang umano rito ang malaking kapilya sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Nanindigan din si Zabala na patuloy ang pagpapalaganap nila ng mga gawain at doktrina ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Wala rin daw dahilan para sundin ang panawagan ni Angel na mag-vigil sa lugar at iginiit na mayroon lamang ibang agenda umano ang kapatid ni Eduardo.

Pag-amin din ni Zabala, nasasaktan sila sa ginagawa ni Angel.

Mayor Herbert at hepe ng QC police, nagtungo sa compound
 
Samantala, bago maghating-gabi, magkasunod na nagtungo sa Manalo housing compound sa Tandang Sora sina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Quezon City Police Chief Superintendent Joel Pagdilao.
 
Dumating dakong 11:00 p.m. nitong Huwebes si Pagdilao para alamin ang kalagayan ni Angel kasunod ng mga naunang ulat na "hostage" ito bunga na rin ng mga mensahe na ipinakita sa bintana ng bahay.
 
Bagaman hindi nakapasok sa loob ng bahay, nakausap sandali ni Pagdilao si Angel sa bintana na bahagyang nakabukas at tiniyak nito na maayos ang kanilang kalagayan.
 
Tumanggi umano si Angel na papasukin si Pagdilao.
 
"Bale nagpapasalamat tayo dahil dumungaw si Angel, at yun nga, medyo maliit lang yung dungaw na ibinigay niya sa atin. Ang pinaka-importante ay nakausap natin sila," anang opisyal na naniniwalang walang pagdukot na nangyayari.
 
Sa pagtingin ni Pagdilao, ang sitwasyon ay panloob na usapin ng Iglesia ni Cristo at pamilya Manalo.
 
Dumating din si Mayor Bautista sa lugar para personal na alamin ang sitwasyon sa lugar.


 
Nitong Huwebes din ng gabi, ilang tagasuporta at kasapi ng Iglesia ni Cristo ang naghagis ng pagkain sa housing compound.
 
"Sana po makarating po sa kanila kasi patuloy po silang ginigipit sa loob eh. Kaya kailangang-kailangan po nila," pahayag sa GMA News Saksi ni Michael, na miyembro umano ng INC.
 
"Hindi po madali ang ginagawa namin ngayon. Wala po kaming materyal na pakinabang dito. Ang totoo, gumugugol kami ng panahon. Itinataya namin yung karapatan at ang buhay na rin. Kaya namin ito ginagawa ay gusto naming magkaroon ng katarungan," dagdag naman ni "Ka Lea" Mangingingibig.

Nitong Huwebes ng hapon, inanunsiyo ng Iglesia Ni Cristo na itiniwalag na nila si Angel, pati na ang mga kapatid nitong sina Marco Eraño Villanueva Manalo at Lolita Manalo Hemedez, at kanilang ina na si Cristina "Tenny" Manalo, biyuda ni Eraño "Erdy" Manalo.

Bago nito, lumabas sa social media nitong Miyerkules ng gabi ang video nina Tenny at Angel na nanawagan ng tulong dahil may banta umano sa kanilang buhay at ilan nilang kaanib.--FRJimenez, GMA News