Filtered By: Topstories
News
Sen. Bongbong, pinatamaan din

Hindi 'golden age' ng Pilipinas ang panahon ni Marcos -- PNoy

 


Sa ika-30 taong paggunita sa EDSA People Power revolution nitong Huwebes,  iginiit nit Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na hindi naging "golden age" ng Pilipinas ang panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

 

(PNoy, Ramos reenact EDSA leap--GMA News)

"Napapailing na lang ako, dahil may nagsasabi raw na ang panahon ni Ginoong Marcos ang siyang 'golden age' ng Pilipinas. Siguro golden days para sa kanya—matapos masagad ang termino, gumawa siya ng paraan na kumapit sa kapangyarihan," ani Aquino.

"Golden age nga po siguro noon para sa mga crony ni Ginoong Marcos, at sa mga dikit sa kanya," dagdag pa niya.

Nagwakas ang 20 taong panunungkulan ni Marcos sa Malacañang dahil sa pag-aalsa ng mga mamamayan sa EDSA noong 1986, na naging daan sa liderato ni dating Pangulong Cory Aquino, ina ni PNoy.

Ayon kay PNoy, nag-iwan ng P192.2 bilyon utang ang pamahalaan ni Marcos.

Binanggit din ni Aquino ang iba pang pang-aabuso na ginawa umano ni Marcos tulad sa mga Muslim, at ang paglisan ng mga propesyon na dahilan ng pagkakaroon ng "brain drain" sa bansa.

"Sa nagsasabing hindi dapat sisihin si Ginoong Marcos sa mga pangyayari sa ilalim ng kanyang rehimen, ang tugon natin: Hindi ba kung sinamsam mo ang lahat ng kapangyarihan, dapat angkinin mo rin ang lahat ng responsibilidad?" anang Punong Ehekutibo.

"Hayagan kong sinasabi ngayon, bilang bahagi ng henerasyong pinagdusa ng diktadurya: Hindi golden age ang panahon ni Ginoong Marcos. Isa itong napakasakit na yugto ng ating kasaysayan," dagdag ni Aquino.

Iginiit ni Aquino na hindi gawa-gawa o kathang-isip ang mga sinasabing pagmamalabis na ginawa umano ng rehimeng Marcos.

"Totoong naganap ang Martial Law. May isang diktador, kasama ng kanyang pamilya at mga crony, na nagpakasasa sa puwesto, at ang naging kapalit nito, mismong buhay at kalayaan ng Pilipino," pahayag niya.

Patama kay Bongbong

Hindi rin nakaligtas sa puna ni Aquino si Sen. Bongbong Marcos, anak ni Ferdinand, na tumatakbo ngayong bise presidente sa May elections.

"Ang kadugo ng diktador, puwedeng sinabing, 'Nagkamali ang aking ama; bigyan niyo kami ng pagkakataong iwasto ito," ani Aquino. "Pero ito ang tahasang naging pagsagot niya, 'I am ready to say sorry if I knew what I have to be sorry for."

Paliwanag ng pangulo, ang hindi pagtanggap umano ng nakababatang Marcos sa pagkakamaling nagawa noong panahon ng batas militar ay indikasyon na maaaring mangyari muli ang ginawa ng ama nito.

"Kung hindi man lang niya (Marcos) makita ang mali sa ginawa ng kanilang pamilya, paano tayo aasang hindi niya ito uulitin? Ang akin nga, thank you na lang, dahil kahit papaano nagpakatotoo ka sa pagpapakitang handa kang tularan ang iyong ama,” patuloy ni Aquino sa talumpati.

Sa nakaraang pahayag, sinabi ni Sen. Marcos na iginagalang niya ang pananaw ng ibang grupo tungkol sa nangyari noong panahon ng batas militar pero hindi siya hihingi ng paumanhin.

“Kung meron akong sinaktan, mag-a-apologize ako… Pero yung lahat ng pagkakamali sa past administration hindi ko naman yata obligasyon na mag-apologize para sa mga nakaraang administrasyon,” paliwanag ng senador.

Ayon kay Aquino, kung tama ang mga survey na dumadami ang sumusuporta kay Sen. Marcos, indikasyon daw ba ito na nakalimutan na ng mga Pilipino ang ipinaglaban ng People Power Revolution.

“Ngayon po, kung tama ang ilang mga survey na nagsasabing dumarami ang sumusuporta sa anak ng diktador na hindi kayang makita ang pagkakamali ng nakaraan, ang ibig po bang sabihin ay nalimot na natin ang sinabing, ‘Tama na, sobra na, palitan na’?” saad ng pangulo.

Sa isang survey ng Social Weather Stations, lumitaw na nagtabla sa unang posisyon ng mga kandidatong pangalawang pangulo sina Sen Marcos at Senator Francis Escudero.

“Ibig po bang sabihin, inihahayag na sa ngayon: Puwede na bang bigyang-posibilidad na mangibabaw muli ang Batas Militar at maulit ang lahat ng kamalian nito?,” ani Aquino.

Mensahe sa kabataan

Hinikayat naman ni Aquino ang mga kabataan na suriin ang kasaysayan para malaman ang katotohanan at huwag magpadala sa mga nagsasabing “golden age” ng Pilipinas ang panahon ni Marcos.

“May kaunting tagumpay ang mga nagrerebisa sa ating kasaysayan, at may nabolang iilan sa ating kabataan. Makikita nga po ninyo ang estilo ng mga loyalista sa traditional at social media; pilit nilang idinidikta ang isang kuwento para mamanipula ang opinyon ng taumbayan,” ani Aquino.

Paghikayat pa niya, dapat alamin ng mga kabataan ang nangyari noong EDSA.

"Sulitin ninyo ang pagkakataong ito na makita kung gaano kahalaga ang kalayaang nasa inyo ng mga kamay," aniya. "Nawa’y ang kalayaang kaytagal nating minithi, ay hinding-hindi na mababawing muli."

Bukod kay Aquino, dumalo rin sa pagtitipon sina dating Pangulong Fidel V. Ramos, mga alkalde sa Metro Manila, ilang kasapi ng Gabinet, si House Speaker Feliciano Belmonte, Jr., at administration candidates Mar Roxas II at Rep. Leni Robredo.

Sinabi naman ni Executive Secretary Paquito "Jojo" Ochoa, Jr., na dapat magsilbing paalala at pagsubok sa mga kabataan ngayon ang People Power anniversary.

"Hamon sa henerasyon ngayon ay ang pagyamanin at pag-unlarin ang kalayaaan na nakamit sa EDSA," saad ni Ochoa —FRJ, GMA News