Filtered By: Topstories
News

Lalaki sa Thailand, sinakmal sa 'private part' ng malaking sawa na nasa inidoro


Hindi akalain ng isang 38-anyos na lalaki sa Thailand na ang karaniwan niyang ritwal sa pagbabanyo tuwing umaga ay mauuwi sa pakikipagbuno sa isang malaking sawa na nakatago sa inidoro at biglang sumakmal sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Sa ulat ng Bangpakong News, sinabing dinala sa ospital si Atthaporn Boonmarkchuai, dahil sa sugat na tinamo sa kaniyang maselang bahagi ng katawan dulot ng kagat ng sawa na may haba na 3.5-meter.

Naganap ang hindi pangkaraniwang pangyayari sa bahay mismo ni  Boonmarkchuai sa lalawigan ng Chachoengsao.

Kinailangan ni Boonmarkchuai na humingi ng saklolo sa kaniyang asawa at kapitbahay para maalis ang sawa sa pagkakakagat sa kaniyang maselang bahagi ng katawan.

Pumayag umano si Boonmarkchuai na ibahagi sa media ang nangyari sa kaniya para magsilbing babala sa iba na huwag basta maging kampante.

Sa isa pang ulat ng The Sun, makikita ang ilang larawan sa loob ng banyo na bakas ang madugong pakikipaglaban ni Boonmarkchuai sa sawa.

Binaklas din ang inidoro para tuluyang makuha sa pagkakaipit ang sawa na wala nang buhay. -- FRJ, GMA News

Tags: snakeattack