Filtered By: Topstories
News

De Lima: Aide ni Duterte, nag-utos na ibalik sa pwesto si Supt. Marcos


Ibinunyag ni Senator Leila de Lima nitong Huwebes na si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go ang nag-order kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa na ibalik sa pwesto ang kontrobersyal na pulis na si Supt. Marvin Marcos.

“I am not inventing because I have a source…. Several PNP officials alam ‘yan,” pahayag ni De Lima.

“It’s an open secret na [nag]-order [s]iya (Go) kay General Bato by phone call na i-reinstate [si Marcos]…PNP officials [knew] and they didn’t like it,” dagdag niya.

“Hindi nagustuhan ng ilang PNP officials na na-bypass 'yung hierarchy ng PNP nung ni-reinstate 'yan si Marcos, without clearing it with them or without asking them,” giit ng senadora.

Iginiit din ni De Lima sa mga mamamahayag na galing ang kanyang impormasyon sa isang mapagkakatiwalaang source mula sa PNP, at "open secret" umano ito sa hanay ng mga opisyal ng pulis.

Sinabi rin ni De Lima, na isang mahigpit na kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte, na si Go ay naging “very powerful” mula pa noong Davao City mayor pa lamang si Duterte.

Nauna nang sinabi ni Dela Rosa na pinasibak niya si Supt. Marcos bago pa man mapatay sa loob ng kanyang selda si Albuera Mayor Rolando Espinosa, na pinaghihinalaang isang drug lord sa Eastern Visayas.

Ngunit ipinabalik umano sa serbisyo si Marcos sa utos ng mas mataas na opisyal ng pamahalaan.

Sinabi rin ni Dela Rosa nitong Huwebes na ang "higher official" na tumawag sa kanya tungkol kay Marcos ay isang "kumpare." Hindi na niya pinangalanan ang opisyal.

Si Police Supt. Marcos, na hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group Region 8 (PNP-CIDG 8), ay inakusahang tumatanggap ng protection money mula sa anak ng nasirang Mayor Espinosa na si Kerwin, na umano'y isang drug lord din. 

Ayon kay De Lima, maaaring managot si Dela Rosa sa pang-aabuso sa kanayang awtoridad at dahil din sa "conduct prejudicial to the best interest of the police service" sa pag-reinstate kay Marcos.

“Kaya inalis, ni-relieve, dahil may kasalanan; under investigation for illegal acts, purported illegal acts. Kapag tinawagan siya ng isang malakas na tao, tao ni Digong, ni-reinstate so pwede sila, may liability siya dyan, si General dela Rosa,” giit ni De Lima.

Dagdag niya, dapat umanong tinanggihan ni Dela Rosa ang request dahil may “legitimate” na dahilan na hindi ito pagbigyan.

Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang reaksyon ni Dela Rosa sa pahayag ng senadora. —LBG, GMA News