Filtered By: News
News

Mga suspek sa brutal na pagpatay at paghalay sa 20-anyos na babae sa Subic, kinasuhan na


Kinasuhan na ang apat na lalaking suspek sa brutal na pagpatay at paghalay sa 20-anyos na babae na nakitang nakabitin sa isang puno sa Hermosa, Bataan. Ang isa sa mga suspek, kinakasama umano ng ina ng biktima.

Nitong Biyernes, dinala na ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Provincial Prosecutor's Office ang mga suspek na sina Ricky Rendora, Rommel Ponio, at Melchor Zapanta.

Isa pang suspek ang pinaghahanap kaugnay sa pagpatay at paghalay sa biktimang si Angelique Charlote Bulatao.

Mariing itinanggi ng mga suspek ang paratang.

Dinakip ng mga awtoridad ang tatlo matapos silang ituro ng ina ng biktima.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Rhodora Bulatao, ina ng biktima, na bago maganap ang krimen, nakipag-inuman siya sa mga suspek.

Lumitaw na kinakasama o ka-live in umano ni Rhodora ang suspek na si Ponio.

Nang malasing na, nakarinig umano siya ng ingay at iyak ng babae sa loob ng kanilang bahay pero wala na raw siyang nagawa.

READ: 20-anyos na babae, brutal na pinatay at ibinitin pa sa puno sa Subic

Nakita ang naagnas na bangkay ng biktima na nakasabit sa puno noong Enero 30, 600 metro ang layo sa kanilang bahay. -- Ernie Esconde/FRJ, GMA News