Filtered By: Topstories
News
SINUNOG PA ANG BANGKAY

Isa pang suspek sa pagpatay at pag-chop-chop sa isang lalaki, patuloy na hinahanap


Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang isa pang suspek sa pagpatay, pag-chop-chop, pagsunog, at  pagbaon sa bangkay ng  isang lalaki sa loob ng isang compound sa San Mateo, Rizal noong nakaraang buwan. 

Ang hinihinalang motibo sa brutal na pagpatay sa biktima, ang hindi nito pagsauli sa charger ng cellphone ng mga suspek.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing noong nakaraang buwan nadiskubre ang bangkay ng biktimang si Lyndon Masinsin, 19-anyos, sa hinukay na bahagi ng compound sa barangay Ampid Dos sa San Mateo.

Nagawa ang paghuhukay makaraang makakuha ng search warrant ang mga awtoridad matapos silang makatanggap ng impormasyon na doon ibinaon ang bangkay ng biktima na dalawang linggong hinanap muna ng pamilya dahil hindi nakauwi sa bahay.

Sa tatlong suspek, nadakip ang magkapatid na menor de edad na nakunan sa CCTV camera nang araw na pagputol-putulin, sunugin at saka ibinaon sa lupa ang bangkay ng biktima.

Bukod sa bangkay, nakita rin sa hukay ang mga gamit na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Hindi umano umamin sa pulisya ang mga suspek na edad 17 at 16 pero inaresto pa rin sila.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na pinagbintangang ng mga suspek ang biktima na nagnakaw ng hindi naisauling charger sa cellphone.

Sa pamamagitan ng ngipin ng bangkay at salaysay ng mga saksi, kinumpirma ng ama ng biktima na anak niya ang sinunog at ibinaon ng mga salarin.

Nakatakda sanang ilibing nitong Miyerkules ang bangkay ng biktima pero hindi pumayag ang korte dahil hinihintay pa ang resulta ng DNA test.

Bukod sa magkapatid, pinaghahanap ng mga awtoridad ang isa pang lalaking kasabwat sa krimen.

Ayon sa pulisya, kasama ang ikatlong lalaki nang gawin ang krimen hanggang sa pagbaon sa katawan ng biktima batay na rin sa CCTV.

Naisampa na ng pulisya ang reklamong murder laban sa tatlo. -- FRJ, GMA News