Irerekomenda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board  sa Land Transportation Office na i-blacklist ang lisensiya ng taxi driver na naningil nang mahigit P2,000 sa pasahe sa isang food vlogger na nagpalipat lang ng airport terminal.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing natunton ng Intelligence and Investigation Division ng Manila International Airport Authority sa follow-up operation ang inireklamong drayber.

Hindi na itinanggi ng drayber ang ginawa niyang paniningil ng P2,300 sa grupo ng food blogger na si Mikey Chen na sumakay sa kaniya sa terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport para magpahatid sa katabing terminal 4.

Sa video na nakuha ni Chen na nag-viral na online, ipinakita pa niya na "tariff card" na ipinakita sa kanila ng taxi drayber na may mga logo ng Department of Tourism, NAIA at MIAA.

Kaagad na nagreklamo si Chen sa mga awtoridad pagbaba nila sa taxi, at naaresto ang drayber kinalaunan sa follow-up operation.

Paliwanag ng drayber, ibinenta lang sa kaniya ang tariff card at sinubukan lang daw niyang gamitin.

"Sinubukan ko lang, isang beses lang 'yun sir. Tapos 'di ko na ginamit din," saad ng drayber.

Bukod sa pagrekomenda ng LTFRB na i-blacklist ang lisensiya ng drayber, ipapa-impound din ng tatlong buwan ang ipinapasada niyang taxi at pagmumultahin ng P120,000 ang operator nito.

READ: MIAA mulls implementing total ban vs. white metered taxis at NAIA

Nito lang nakaraang linggo, personal pang nag-inspeksyon si MIAA general manager Ed Monreal sa terminal ng taxi sa NAIA para pagsabihan ang mga taxi driver na huwag mangontrata ng mga pasahero at sa halip ay gamitin ang mga metro.

Nagbanta  pa ang opisyal na ipapa-ban niya ang pagpasok ng mga puting taxi sa airport kapag may natanggap pang mga reklamo mula sa mga pasahero tungkol sa mga pasaway at mga nangongontratang drayber.-- FRJ, GMA News