Filtered By: Topstories
News

Barangay kagawad sa San Jose, Romblon, arestado dahil sa M16 at .45 na baril


Tiklo sa operasyon ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group, Provincial Mobile Force Company, at San Jose Municipal Police Station ang isang barangay kagawad sa San Jose, Romblon na di umano ay nagtatago ng mga pinaghihinalaang hindi lisensyadong baril nitong Sabado ng gabi, March 23.

Kinilala ang suspek na si Catalino Cabangon Capispisan Sr., alyas Odong, Barangay Kagawad ng Barangay Busay, San Jose, Romblon.

Ayon kay Superintendent Socrates Faltado, hepe ng Regional Public Information Office ng PNP-MIMAROPA, pinasok ng mga operatiba ang bahay ni Capispisan sa bisa ng search warrant na nilabas ng 3rd Municipal Circuit Trial Court, Looc, Romblon nitong March 21.

Nakuha kay Capispisan ang isang M-16 rifle, isang caliber .45 na baril, mga magazine at mga bala.

Nakakulong na ngayon si Capispisan sa San Jose Municipal Police Station habang patuloy na iniimbestigahan ng mga operatiba ang baril na nakuha di umano sa posisyon ng suspek. — BM, GMA News

Tags: balitambayan