Filtered By: Topstories
News

Lalaking lumabag sa curfew sa Cavite, binugbog umano ng mga pulis


 

Bugbog-sarado ang isang lalaking sinita umano sa paglabag sa curfew sa Cavite.

Ayon sa ulat ni Nico Waje sa "24 Oras Weekend" nitong Linggo, puno ng pasa ang mukha at katawan, putok ang ulo at basag ang buto sa pisngi ni Ronald Campo, isang residente ng General Trias.

Kuwento ni Campo sa kaniyang kapatid na si Rolando, mga pulis ang gumawa nito sa kaniya.

Dinala raw si Ronald at dalawang iba pang residente sa istasyon ng pulis dahil sa paglabag sa curfew noong May 12.

Sabi ni Ronald, matapos pagpush-up-in, dinala daw sila ng mga pulis sa isang madilim na lugar.

Dahil sa takot, nagpumiglas si Ronald at tumakbo kaya hinabol siya ng mga pulis.

“Pero mga kasamahan ko noon, pinagsasaktan ho talaga kami. Pinagpapalo-palo po kami noong batuta mula ulo hanggang mukha. Kitang-kita naman ho ang ebidensya,” ani Ronald.

Ngunit ayon sa pulisya, lasing na lasing daw si Ronald nang sitahin at nang tumakas ay bumangga sa mga nakahilerang motorsiklo at lumundag pa raw ito sa creek na puro mga bato at basag na bote.

Kahit lasing umano, umakyat pa raw si Ronald sa isang bubong bago pumasok sa isang bahay at doon daw ito pinagpapalo ng arnis ng mga nasa loob kaya pumutok ang ulo nito.

Tumakbo pa rin daw at tumalon ang lasing umano at sugatang si Ronald sa isang swimming pool na 8 talampakan ang lalim ngunit walang tubig. Doon na raw ito naaresto ng pulisya.

Ngunit nakatakas pa rin daw at sumabit naman sa mga taling nakaharang sa nadaanang convenience store kaya muling nahuli at kaagad dinala sa ospital.

Kasalukuyang nasa ospital pa rin si Ronald at bantay-sarado ng pulisya.

Paglabas ng ospital, diretso na si Ronald sa kulungan at sasampahan ng patong-patong na kaso.

“Nag-direct na ako ng investigators to gather information para mapagsama-sama natin at makumpleto natin ang buong storya ng nangyari,” ani Police Lieutenant Colonel Marlo Solero, hepe ng General Trias Police.

Ayon naman kay presidential spokesperson Harry Roque, ipaiimbestigahan daw ito ng nasiyonal na pamahalaan sa Philippine National Police.

“Paimbestigahan po natin ‘yan. Tatawagaan natin mismo si PNP chief gamboa at titingnan natin kung ano nangyari diyan,” ani Roque.

“Alam niyo naman po sa ating gobyerno, no one is above the law. Kung talagang may lumabag sa batas, mayroon naman pong imbestigasyon, paglilitis at pag-uusap,” dagdag ni Roque. — Ma. Angelica Garcia/BM, GMA News