Hindi na itutuloy ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang nakatakdang pakikipag-usap niya sa NLEX Corp. sa Huwebes kaugnay sa pagsuspindi niya sa business permit ng kompanya dahil sa aberya sa RFID cashless payment scheme.

Ang desisyon ay ginawa ng alkalde nitong Miyerkules matapos na hindi niya magustuhan ang tila pagbabanta umano ng NLEX Corp. na dudulog sa korte at hihingi ng temporary restraining order (TRO) para mapawalang-bisa ang suspension order ng alkalde.

Dahil sa suspension order ni Gatchalian, hindi puwedeng maningil ng toll ang NLEX sa mga toll plaza na nasa hurisdiksiyon ng Valenzuela.

Sa kaniyang Twitter account, ipinost ni Gatchalian ang screenshots ng live tweets ng isang radio station sa panayam NLEX Corp. senior vice president Romulo Quimbo Jr., tungkol sa planong paghahain ng TRO.

"No it's been postponed. That was supposed to be tomorrow. We, the LGU of the city, will not be threatened by NLEX," sabi ni Gatchalian sa GMA News Online.

"We will welcome them filing a case in court. We know we stand on strong legal ground so we are ready to defend our actions," anang alkalde sa kaniyang tweet.

"I don't get this. You want to dialogue but you are saying may potential court case... I'm not sure if that is good faith," dagdag pa niya.

Sa hiwalay na panayam sa Dobol B sa News TV, sinabi ni  Gatchalian na hindi na dapat humingi ng pagpupulong ang NLEX kung plano rin naman pala nilang dumulog sa korte.

"How can you be calling me for a dialogue kung dadalhin mo rin naman sa korte? Ang sa akin, doon na lang tayo mag-usap. You do not threaten a local government that way," sabi ni Gatchalian.

Muli raw susulatan ng alkalde ang NLEX para ipaalam ang mga reklamo tungkol sa RFID--kabilang ang mga sensor na hindi nakakabasa, ang trapik, at nawawalang load.

"Una, 'yung sagot nila doon sa kinakain na load, 'yung nawawalang load, laking issue kasi 'yun eh. Pangalawa 'yung mga palyadong sensor at sticker ng RFID," giit ni Gatchalian.

Nais umano ng alkalde na makakuha ng timeline mula sa NLEX kung kailan nila tutugunan at reresolbahin ang mga problema.

"Hindi pupuwede 'yung open-ended na nangyayari na aayusin pero hindi naman inaayos," puna niya sa NLEX.

Nais din ng alkalde na magkaroon ng buwanang ulat sa "readability" ng mga sensor sa RFID system dahil nagdudulot ito ng abala sa mga motorista at dahilan din ng trapik.

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang komento ng NLEX tungkol sa mga pahayag ng alkalde.

Matatandaan na nitong Lunes isinilbi ni Gatchalian ang utos na suspindido ang business permit ng NLEX Corp.—FRJ, GMA News