Filtered By: Topstories
News

High-value target nasawi matapos daw manlaban sa Sta. Rosa


Nasawi ang isang high-value target at miyembro ng criminal group matapos siyang manlaban umano sa Laguna.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Resty Castro, miyembro umano ng Alomia criminal group sa Santa Rosa.

Ayon sa pulisya, agad na bumunot ng baril ang suspek kaya siya napatay sa buy-bust operation.

Nakuha sa suspek ang 15 pakete ng hinihinalang shabu at isang baril.

Inilahad ng mga opisyal ng barangay na dati na nilang binibigyan ng pagkakataon na sumuko ang suspek pero tuloy-tuloy lang ito sa pagtutulak ng droga.

Sa Baguio City naman, isang dating Sangguniang Kabataan kagawad ang nadakip matapos siyang mabilihan ng droga.

Kinilala ang suspek na si Carl John Soriano, na nabilhan ng droga na nagkakahalaga ng mahigit P3,000.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek. -Jamil Santos/NB, GMA News