Filtered By: Topstories
News

32 dayuhan na walang working visa, huli sa illegal gambling company sa Pasay


Arestado ang 32 Korean, Chinese, at Indonesian nationals na nagtatrabaho sa isa umanong illegal gambling company sa Pasay City.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, mapapanood sa footage ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkahuli sa akto sa mga dayuhan habang subsob sa kanila umanong online pasugalan.

Napag-alamang mga walang working visa at naka-tourist visa lang ang mga naarestong dayuhan.

"Nakita po that there is illegal live studio gambling. Meron pong mga table talaga kung saan may gambling na nagaganap. Nagkaroon ng ilang araw na surveillance at noong na-determine na totoong merong mga illegal aliens na nagtatrabaho sa opisinang ito, nag-issue si Commissioner [Jaime] Morente ng isang mission order para ma-implement ang arrest sa mga illegal aliens," sabi ni Immigration spokesperson Dana Sandoval.

Inaalam na ng mga awtoridad kung kailan pumasok sa Pilipinas ang mga nahuling dayuhan.

Napag-alaman pa ng BI sa koordinasyon sa PAGCOR na hindi rehistrado sa kanila ang ni-raid na kumpanya.

Kakasuhan ang mga dayuhan ng paglabag sa Philippine Immigration Act dahil sa pagsuway sa kanilang kondisyon ng pananatili sa Pilipinas at pagtatrabaho nang walang tamang visa at permit, ayon kay Sandoval.

Dagdag ng BI spokesperson, awtomatikong blacklisted ang mga dayuhan at hindi na papayagang makabalik ng bansa kapag naipatupad ang deportation.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga dayuhan na nakapiit ngayon sa BI detention center sa Bicutan.—Jamil Santos/AOL, GMA News