Filtered By: News
News

Talon na ipinangalan sa kampana


Sikat ang Hinulugang Taktak falls sa Antipolo, Rizal. Katunayan sa isang awitin na nilikha para sa Antipono, ang ganda ng batis at talon ang naging pang-akit upang hikayatin ang publiko pasyalan ang lalawigan. Ngunit alam nyo ba kung bakit Hinulugang Taktak ang ipinangalan sa talon? “Tayo na sa Antipolo/ At doon maligo tayo/ Sa batis na kung tawagin/ Ay.. hi... hi…hinulugang…taktaktak." Ito ang bahagi ng awiting “Antipolo" na komposisyon ni German San Jose (Gerry Brandy) noong 1929. Mabilis na sumikat ang awitan kasabay ng pagdami ng mga tao na nais makita ang talon upang mapatunayan sa kanilang sarili ang kagandahan nito. Sinasabing nagmula ang pangalan ng talon sa isang ‘taktak’ (kampana) na itinapon dito noong 15th century. Masyado umanong malakas ang tunog ng dambuhalang kampana na labis na nakagagambala sa mga tao. Kaya naman hiniling nila sa kanilang kura paroko na alisin ito. Sinunod naman ng pari ang kanilang kahilingan at inihulog ang malaking taktak o kampana sa talon at magmula noon ay tinawag na itong “Hinulugang Taktak." Noong Hunyo 1952, idineklarang National Park ang Hinulugang Taktak upang mapreserba ang ganda ng kapaligiran. Ngunit sa paglipas ng panahon unti-unting naglaho ang ganda ng talon at batis dahil sa mga basura at dumi na itinatapos ng mga naninirahan sa paligid nito. - GMANews.TV