Top 10 Unfair Animal Depictions in Pinoy Popular Culture
Talaga bang sakim ang mga buwaya? Totoo bang naghihilahan pababa ang mga alimango kapag nais nitong tumakas sa isang balde?
Noong nakaraang September 1, inilista ng “Ang Pinaka” ang Top 10 unfair animal depictions sa popular na kultura ng Pinoy. Sa tulong ng guest panelistas na sina Manny Castañeda, TV director; Nestor Castro, UP anthropology professor; at Dr. Nielsen Donato, "Born to be Wild" veterinarian and host, binigyang linaw ng “Ang Pinaka” ang katotohanan sa likod ng mga paghahambing na ito.
10. Manloloko ba ang mga unggoy?

Maaring naipinta ang imahe na manloloko ang mga unggoy dahil sa kuwentong “The Monkey and the Turtle,” kung saan naloko ng matsing na si Tusong ang isang pagong. Isa ring posibleng dahilan ang mismong ugali ng mga unggoy na kumuha ng mga pagkain mula sa mga tao. Paliwanag ni Prof. Nestor Castro, “Ang unggoy sa wild, nagnanakaw ng gamit ng tao kapag naiwan ito, halimbawa, sa camp.”
9. Marumi at matakaw ba talaga ang mga baboy?

Bakit ba laging marumi ang tingin sa mga baboy?
“Marumi ang itsura ng baboy because of the way they eat,” paliwanag ni Dr. Nielsen Donato. “[Pigs] are root crop eaters. Nasa ilalim ng lupa ang pagkain nila kaya ginagamit nilang pambungkal ang nguso nila.”
Maaari ring nagsimula ang paghahambing na ito noong pananakop ng mga Kastila sa ating bansa. “Bago dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, nadatnan nila na ang karatig Kamaynilaan ay Islamic. Sa konsepto ng Islam, ang baboy ay tinitignan nilang marumi dahil noong na-drive away ng Panginoon ang masasamang espiritu, dinala raw ito ng baboy,” ani Prof. Nestor Castro.
8. Echosera ba talaga ang mga palaka?

Unang-una, ano ba ang echosera?
Ginagamit ang terminong ‘echoserang frog’ para sa mga taong mahilig magkuwento at magkalat ng tsismis.
“Ang echosera ay bagong termino. [Isa itong] colloquial Filipino term,” paliwanag ni Prof. Nestor Torre.
Sa tingin ni Direk Manny Castañeda, ihinahambing ang mga ‘echosera’ sa mga palaka dahil sa ingay ng pagkokak ng mga ito: “My analogy there is ang ingay-ingay pero wala namang sinasabi.”
Pero wala nga bang sinasabi ang palaka tuwing nag-iingay sila? Sila ba mismo ay mga echosera
Paliwanag ni Dr. Nielsen Donato, hindi totoo ang paratang na ito: “That’s the way [frogs] communicate–for mating.”
7. May mga kalapati bang mababa ang lipad?

Madalas ginagamit ang terminong “kalapating mababa ang lipad” kapag tinutukoy ang mga babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw. Pero ayon kay Dr. Nielsen Donato, hindi tama ang paghahambing na ito. “Actually, pigeons are very monogamous. Kapag ito ang asawa niya, habambuhay ito lang ang asawa niya,” paliwanag niya.
6. Lahat ba ng ahas, traydor?

Ang patagong pag-atake ng mga ahas sa kanilang mga kalaban ang isa sa mga dahilan kung bakit naihahambing sila sa mga traydor.
“[Ang ahas] basta na lang kakagat at tutuklaw sa iyong binti, kaya ang pananaw ng mga Pilipino ay wala man lang pasabi o hindi man lang nananakot, hindi tulad ng leon o tigre na maririnig mo ang growl. Sa ahas, matutuklasan mo na lang nakagat ka kaya nasabing patraydor ang pag-atake,” paliwanag ni Prof. Nestor Castro.
Isa ring batayan ng paghahambing na ito ang relihiyong Kristiyanismo, partikular ang kuwento sa Bibliya tungkol sa pagkahulog ni Eba at Adan. “Nagkaroon na ng negative perception ang Christians sa ahas dahil sa kuwento ni Adam and Eve. Ang ahas ang nagbigay kay Eva ng mansanas,” ayon kay Manny Castañeda.
5. Barok bang mag-Ingles ang mga kalabaw?

“Carabao English” ang terminong ginagamit kapag tinutukoy ang mga Filipinong hindi magaling magsalita sa wikang Ingles.
“I think naging kalabaw because we associate it with barrio and probinsya. And kapag sinabi nating provincial, they are not sophisticated and what we equate with sophistication is picking another language like English or Spanish,” paliwanag ni Manny Castañeda.
4. Kapit-tuko ba sa posisyon ang mga tuko?

Sinasabing kapit-tuko ang tao kapag ayaw niyang bumitiw sa puwesto ng kapangyarihan kahit hindi na siya nararapat dito o may ginawa siyang nakahihiya.
“Talagang may katotohanan naman ang kapit ng tuko. Napakahigpit nilang humawak sa mga bagay at hindi nahuhulog kahit nakabaliktad sa kisame,” paliwanag Prof. Nestor Castro.
Subalit kapag hinahaluan ng usaping politika, tila nagiging dehado ang tuko sa paghahambing na ito. “Unfair sa tuko kasi mahigpit nga ang kapit nila pero hindi naman ito para sa kapangyarihan, kundi para sa kanilang survival,” dagdag ni Castro.
3. May “crab mentality” nga ba ang mga alimango?

Saan ba nanggaling ang crab mentality?
“‘Yung tinatawag na crab mentality nakuha natin iyan sa mga Spaniards na kapag may umaangat na isa, sisiraan ka para lang hindi ka yumaman or sumikat,” paliwanag ni Dr. Nielsen Donato.
Pero dagdag niya, hindi naghihilahan pababa ang mga alimango. Sa katunayan, tinutulungan nila ang isa’t isa na makaakyat: “Kapag naintindihan lang natin crabs they migrate, so kapag nagma-migrate iyan minsan umaakyat sila ng mga cliff. Para makapanik, umaakyat sila sa bawat isa para lang makatawid kung saan sila mangingitlog.”
2. Ang mga tuta, political crony?

Bakit kaya naikumpara ang mga tuta sa political crony?
“Ang tuta kasi, very dependent iyan sa mother nila so sunod nang sunod iyan,” paliwanag ni Dr. Nielsen Donato.
“Ngayon sa politics, sinasabing tuta ka ng politician. Ito kasi yung behavior ng taong sumisipsip. Ang aso natural pleasers kaya nga natin tinatawag na man’s bestfriend pero walang kapalit iyon. ‘Yung mga tinatawag na tuta na tao, humihingi sila ng kapalit kaya sunod sila nang sunod,” dagdag niya.
1. Korap at sakim ba ang mga buwaya?

Parati na lang nasasangkot ang buwaya tuwing napag-uusapan ang mga korap na mambabatas at pulis. Pero gaano ba katotoo ang paghahambing na ito?
“Ang buwaya kung ano lang ang kaniyang kayang kainin, iyon lang ang kakainin niya so pagkatapos niyang makakain ng zebra, tapatan mo ng zebra uli iyon hindi na niya kakainin iyon. Pero ‘yung mga politician, hanggang may makukurakot,” paliwanag ni Dr. Nielsen Donato.
--Bernice Sibucao, Ang Pinaka Staff/CM, GMA News